Nagpalitan ng mensaheng pambagong taon ngayong araw, Enero 1, 2024, sina Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina at Pangulo ng bansa; at Kim Jong Un, Pangkalahatang Kalihim ng Workers' Party of Korea (WPK) at Tagapangulo ng State Affairs Commission ng Hilagang Korea.
Ipinatalastas din nilang itakda ang taong ito, ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Hilagang Korea, bilang taon ng pagkakaibigan ng dalawang bansa, para matamo ang mas malaking pag-unlad ng bilateral na relasyon.
Sa kanyang mensahe, tinukoy ni Xi, na sa pamamagitan ng magkasamang pagsisikap nitong ilang taong nakalipas, pumasok sa bagong panahon ang tradisyonal na relasyong pangkaibigan at pangkooperasyon ng Tsina at Hilagang Korea. Ipinagtatanggol aniya ng dalawang bansa ang mga komong kapakanan, at napangangalagaan ang rehiyonal na kapayapaan at katatagan.
Sa kanya namang mensahe, sinabi ni Kim, na itataguyod ng Hilagang Korea at Tsina ang mga aktibidad ng taon ng pagkakaibigan, para pasulungin ang pagpapalitan sa pulitika, kabuhayan, kultura, at mga iba pang aspekto, palakasin ang pagkakaibigan at pagkakaisa, at palalimin ang koordinasyon sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig.
Editor: Liu Kai