Inanunsyo Huwebes, Enero 11, 2024 ng Pambansang Administrasyon ng Pandarayuhan ng Tsina ang mga makabagong hakbang, para bigyang-ginhawa ang mga banyagang manlalakbay sa bansa para sa negosyo, pag-aaral at turismo.
Para sa mga may pangkagipitang pangangailangan sa pagsasagawa ng negosyo, pagpapalitan, pamumuhunan at ibang di-diplomatiko at di-opisyal na aktibidad, pero walang sapat na oras para kumuha ng visa sa ibayong dagat, maaari silang mag-aplay ng isang port visa para pumasok sa Tsina, sa pamamagitan ng pagsusumite ng kaukulang dokumento sa mga awtoridad, anang administrasyon.
Anito pa, maaari ring mag-transit ang mga dayuhang manlalakbay sa 9 na nakatakdang paliparang pandaigdig ng Tsina, at hindi na kailangang sumailalim sa mga immigration procedure sa loob ng 24 na oras.
Hinggil naman sa mga banyagang mananatili sa Tsina sa loob ng maikling panahon para sa mga di-diplomatiko at di-opisyal na aktibidad, sinabi ng administrasyon na maaari silang mag-aplay ng visa extension o replacement sa mga lokal na tanggapan ng pagpasok at paglabas ng bansa sa ilalim ng mga organo ng pampublikong seguridad, kung mayroon silang lehitimo’t makatuwirang dahilan para patuloy na manatili sa bansa.
Samantala, maaari ring mag-aplay ng isang multiple-entry visa ang mga dayuhang kailangang paulit-ulit na pumasok at lumabas sa bansa batay sa lehitimong katuwiran.
Babawasan din ang mga kinakailangang dokumento para sa aplikasyon ng visa, dagdag ng administrasyon.
Salin: Vera
Pulido: Rhio