Mga FM ng Tsina at Kanada, nag-usap sa telepono

2024-01-12 16:00:00  CMG
Share with:

Nag-usap sa telepono Enero 11, 2024, sina Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina at kanyang counterpart na si Melanie Joly ng Kanada sa kahilingan nito.

 

Ipinahayag ni Wang na ang Tsina at Kanada ay mga bansang mayroong mahalagang impluwensiya sa rehiyong Asya-Pasipiko, at nagbabahagi ng mga komong interes ang dalawang bansa.

 

Ayaw aniya makita ng Tsina ang kasalukuyang mahirap na kalagayan ng relasyong Sino-Canadian at hindi rin ito sanhi ng Tsina. Bukas ang Tsina sa pagpapanatili ng pakikipag-ugnayan at pakikipag-usap sa Kanada, dagdag niya.

 

Inilahad ni Wang ang tatlong mungkahi hinggil sa pagpapabuti at pagpapaunlad ng relasyong Sino-Canadian:

 

Una, umaasa ang Tsina na obdiyektibo, makatwiran at tumpak na uunawain ng Kanada ang mga patakarang panloob at panlabas ng Tsina. Ani Wang, palagiang itinataguyod ng Tsina ang mga layunin at prinsipyo ng Karta ng United Nations (UN), ang pandaigdigang sistema kasama ng UN bilang ubod nito, at ang pandaigdigang kaayusan batay sa internasyonal na batas. Kasabay nito aniya, buong tatatag na pinapangalagaan ng Tsina ang soberanya, seguridad at interes sa pag-unlad nito.

 

Ikalawa, dapat igalang ng Tsina at Kanada ang isa’t isa, magkaroon ng pantay na diyalogo at palakasin ang komunikasyon. Dapat taimtim na isakatuparan ng Kanada ang pangako nitong isang-Tsina at hindi ibigay ang anumang maling senyales sa mga separatistang puwersa ng “pagsasarili ng Taiwan,” diin ni Wang.

 

Ikatlo, tiyak na magdudulot ng mahalagang pagkakataon ang modernisasyong Tsino para sa mga bansa sa buong mundo, na kinabibilangan ng Kanada. Sinabi ni Wang, na dapat magkatuwang na tutulan ng Tsina at Kanada ang pamumulitisasyon at pan-security ng mga isyung pang-ekonomya, at likhain ang patas, makatarungan at walang diskriminasyong kapaligiran para sa pagpapa-unlad ng mga negosyo.

 

Samantala, sinabi ni Joly na ang malusog at matatag na relasyong Canadian-Sino ay nasa pundamental na interes ng dalawang bansa at kanilang mga mamamayan.

 

Bagama’t kinakaharap ng dalawang bansa ang matitinding hamon, nakahanda ang Kanada na gamitin ang mas bukas, pragmatiko at konstruktibong saloobin para itulak pabalik ang bilateral na relasyon sa tamang landas.

 

Nakahanda ang Kanada na palakasin ang komunikasyon at diyalogo sa Tsina, pasulungin ang pagpapalitan ng mga tauhan, palalimin ang pagtutulungan sa ekonomiya, kalakalan, at trabahong pangangalaga sa kapaligiran, pagpapanatili ng mahigpit na koordinasyon at kooperasyon sa biodibersidad at internasyonal at mga isyung rehiyonal.

 

Salin:Sarah

Pulido:Ramil