Sa kanyang sagot sa liham ng mga kinatawan ng mga estudyante ng Kenya at alumni ng Beijing Jiaotong University, Enero 17, 2024, hinimok sila ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na patuloy na magbigay-ambag para sa usapin ng pagkakaibigan sa pagitan ng Tsina’t Kenya, at sa pagitan ng Tsina’t Aprika.
Tinukoy ni Xi na dahil sa Belt and Road Initiative (BRI), naging makatotohanan ang pangarap ng pag-unlad at pag-ahon ng Tsina at Kenya, at lumakas ang pag-uugnay ng biyaya ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
Ang Mombasa-Nairobi Standard Gauge Railway ay flagship project at matagumpay na modelo ng kooperasyon ng Tsina at Kenya sa ilalim ng BRI, dagdag niya.
Umaasa aniya siyang mataimtim na matututunan ng nasabing mga estudyante at alumni ang propesyonal na kaalaman, ipagpapatuloy ang tradisyonal na pagkakaibigan, bibigyang-ambag ang kooperasyon ng dalawang bansa, ilalahad ang mga kuwento ng pagkakaibigang Sino-Aprikano, at gagawin ang mas malaking ambag para sa pagbuo ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Tsina at Aprika sa mataas na antas.
Matatandaang ipinadala kamakailan ng mga kinatawan ng mga estudyante ng Kenya at alumni ng Beijing Jiaotong University ang liham kay Xi, upang ihayag ang kanilang naisin na maging tulay ng pagkakaibigan ng Kenya at Tsina, at mag-ambag sa pagpapataas ng pagkakaibigan at pagtutulungan ng dalawang bansa at pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan.
Salin: Vera
Pulido: Rhio