Sa hayagang pulong na idinaos Pebrero 14, 2024, ng United Nations (UN) Security Council tungkol sa isyu ng Yemen, ipinahayag ni Zhang Jun, Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa UN, ang kahandaan ng kanyang bansa, kasama ng komunidad ng daigdig, na patuloy na magsikap para pasulungin ang pulitikal na paglutas sa isyu ng Yemen at pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa Gitnang Silangan.
Sinabi ni Zhang, na nitong mga nakalipas na panahon, pinanatili ng mga may kinalamang panig ang mahigpit na pag-uugnayan tungkol sa pulitikal na paglutas sa isyu ng Yemen, at natamo ang mga positibong pag-unlad sa prosesong pulitikal ng Yemen.
Pero aniya, lumalala ngayon ang kalagayan sa Red Sea, at isinasagawa ng ilang bansa ang mga aksyong militar laban sa Yemen. Nagdudulot ang mga ito hindi lamang ng panganib sa paglalayag sa Red Sea, kundi ng malaking epekto rin sa prosesong pulitikal ng Yemen, dagdag ni Zhang.
Ani Zhang, nanawagan ang Tsina sa sandatahang lakas ng Houthi na itigil ang pag-atake sa mga bapor komersyal. Binigyang-diin din niyang, walang awtorisasyon ng UN Security Council sa anumang bansa na gamitin ang lakas laban sa Yemen.
Tinukoy din ni Zhang, na ang isyu ng Yemen ay may kinalaman sa kalagayang panrehiyon. Aniya, sa kasalukuyan, lumalaganap sa ibang mga bansa ang mga negatibong epektong dulot ng sagupaan sa Gaza, sumisidhi ang tensyon sa Red Sea, at ang Gitnang Silangan ay nasa bingit ng napakalaking panganib.
Aniya, ang pinakamahalagang tungkulin sa kasalukuyan ay agarang pagpapasulong sa tigil-putukan sa Gaza, at pagsasagawa ng mga aktuwal, mabisa, at responsableng aksyon para iwasan ang paglaganap pa ng sagupaan sa buong rehiyon.
Editor: Liu Kai