MSC: Two-state solution, pundasyon sa pangmatagalang kapayapaan sa pagitan ng Palestina’t Israel

2024-02-18 13:36:55  CMG
Share with:

Alemanya – Ipinanawagan ng mga kalahok na kinatawan ng mga pandaigdigang organisasyon at bansa sa Ika-60 Munich Security Conference (MSC) ang lubos na paglutas sa sagupaan sa pagitan ng Palestina at Israel.

 

Para rito, sinabi nilang ang two-state solution ay ang tanging paraan para sa pangmatagalang kapayapaan sa nasabing rehiyon.

 

Binuksan Pebrero 16, 2024 ang MSC at ito’y tatagal hanggang Pebrero 18.

 

Sa seremonya ng pagbubukas, idiniin ni Antonio Guterres, Pangkalahatang Kalihim ng United Nations (UN), ang kahalagahan ng two-state solution para malutas ang naturang krisis.

 

Saad naman ni Josep Borrell, Mataas na Kinatawan ng Unyong Europeo (EU) sa mga Suliraning Panlabas at Patakarang Panseguridad, na dapat mapahupa ang kasalukuyang tensyon sa Gitnang Silangan at pabutihin ang pandaigdigang pagsisikap para isakatuparan ang two-state solution.

 

Ipinahayag din ng iba pang kalahok na opisyal mula sa iba’t-ibang bansa ang kanilang paninindigan ng suporta sa two-state solution.

 

Kabilang sa mga ito ay sina Olaf Scholz, Chancellor ng Alemanya; Subrahmanyam Jaishankar, Ministro ng mga Suliraning Panlabas ng India; Faisal bin Farhan Al Saud, Ministrong Panlabas ng Saudi Arabia; at Sameh Shoukry, Ministrong Panlabas ng Ehitpo.

 

Layon ng two-state solution na itatag ang isang indipendiyenteng estado ng Palestina, kung saan, ang East Jerusalem ay ang kabisera, at may hanggahang itinakda noong 1967.


Salin: Ernest

Pulido: Rhio