CGTN poll: polisyang panlabas ng Tsina, hinangaan ng mahigit 80% ng mga respondent sa daigdig

2024-03-08 12:35:34  CMG
Share with:

Ayon sa isang poll na inilabas ng China Global Television Network (CGTN) at Renmin University ng Tsina sa pamamagitan ng New Era Institute of International Communication, hinangaan ng 83.5% ng mga respondent sa daigdig ang independyente’t mapayapang diplomatikong patakaran ng Tsina, at nananalig silang tutulungan ng ganitong patakaran ang pagbuo ng mas makatarungan at makatwirang kaayusang pandaigdig.

 

Kasali sa nasabing poll ang 31,980 respondent sa buong mundo.

 

Kabilang dito ay mga respondent galing sa mga maunlad na bansang gaya ng Amerika, Alemanya, Pransya at Hapon, at pati na rin ang mga umuunlad na bansang kinabibilangan ng Mexico, Thailand at Nigeria.

 

76.2% ng mga respondent ang sumang-ayon na ang patakarang panlabas ng Tsina ay epektibong pinoprotektahan ang sariling pambansang kapakanan.

 

Habang naniniwala naman ang 64.6% ng mga respondent na isang responsableng malaking bansa ang Tsina.

 

Sa pananaw ng 65.3% respondent, ang aktibong pakikisangkot ng Tsina sa pandaigdigang pangangasiwa ay nagbunsod ng katiyakan at katatagan sa komunidad ng daigdig.

 

Sa preskon, Marso 7, 2024 ng Ika-2 Sesyon ng Ika-14 na Pambansang Kongresong Bayan (NPC), punong lehislatura ng Tsina, sinabi ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, na sa harap ng masalimuot at maligalig na kapaligirang pandaigdig, matatag na magiging puwersa ang bansa para sa kapayapaan, katatagan at progreso ng daigdig.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil