Manila, Pilipinas – Inihayag, Marso 12, 2024 ni Gina Raimondo, Kalihim ng Kagawaran ng Komersyo ng Amerika, na tutulungan ng kanyang bansa ang Pilipinas na doblehin ang bilang ng mga pabrika ng semiconductor, para maiwasan ang pagiging “labis na sentralisado” ng pandaigdigang kadena ng suplay ng chips.
Nauna rito, inanunsyo niyang lampas sa 1 bilyong dolyares na pamumuhunan ang ilalaan ng mga kompanyang Amerikano sa Pilipinas.
Nitong nakalipas na mahabang panahon, kakaunti ang pamumuhunan ng Amerika sa Pilipinas, at ang halaga ng taunang pamumuhunan ay nanatili sa 1 bilyong dolyares.
Sapul nang mabuo ang bagong pamahalaan ng Pilipinas noong Hunyo 2022, pinag-ibayo ng Amerika ang paglapit sa bansa, para pasulungin ang umano’y estratehiyang “Pagpihit sa Indo-Pasipiko.”
Gayunpaman, hindi nito pinapataas ang pamumuhunan sa Pilipinas, at sa pahayag ni Raimondo, hindi niya inilahad ang mga detalye’t hakbang kung paano mamumuhunan ang mga kompanyang Amerikano.
Hinggil dito, tinukoy ng mga tagapag-analisa na batay sa kagawian ng Amerika, kaduda-duda ang digri ng ganitong pagpapaibayo ng pamumuhunan.
Ayon sa kanila, layon ng pangako ni Raimondo na payamanin ang ekonomikong puwersa ng estratehiyang “Pagpihit sa Indo-Pasipiko” at patingkarin ang ekonomikong lakas-panulak ng alyansang militar ng Amerika at Pilipinas.
Bilang isang bansa sa labas ng rehiyon, ang mas malalim na layong heopulitikal ng Amerika ay labanan at sugpuin ang Tsina, gamit ang Pilipinas.
Samantala, may sariling balak din ang Pilipinas, at ito ang pagsasakatuparan ng regular at walang pahintulot na pagpasok sa Ren’ai Jiao at Huangyan Dao, sa pamamagitan ng hegemonismo ng Amerika, at makinabang sa ambisyon ng Amerika na sikilin ang pag-unlad ng semiconductor ng Tsina.
Pero, totoo bang maisasakatuparan ang balak na ito, at totoo bang matutupad ang pangako ng Amerika? Dapat mag-ingat ang Pilipinas hinggil dito, at hindi ito dapat magpalinlang.
Salin: Vera
Pulido: Rhio