Sa kanyang pagdalaw kahapon, Marso 13, 2024, sa ilang teknolohikal na organisasyon sa Beijing, sinabi ni Premiyer Li Qiang ng Tsina, na ang Artipisyal na Intelihensya (AI) ay napakahalagang makina para sa pagpapaunlad ng bagong kalidad na produktibong puwersa.
Sa isang symposyum sa panahon ng pagdalaw, hiniling niyang pag-ibayuhin ang pagsisikap sa pagpapaunlad ng computing power, algorithm, at paggamit ng data, at dagdagan ang laang-gugulin sa mga cutting-edge technology.
Sa pagbisita naman ni Li sa Baidu, teknolohikal na kompanya ng Tsina, siniyasat niya ang pag-unlad at aplikasyon ng large language model (LLM).
Samantala, nanawagan siya para i-upgrade ang teknolohiya ng autonomous na pagmamaneho, upang palakasin ang industriya ng sasakyan at pasulungin ang pagtatayo ng mga matalinong lunsod sa kanyang pagpunta sa High-Level Autonomous Driving Demonstration Zone ng Beijing.
Pumunta rin premyer Tsino sa Naura Technology, isang semiconductor manufacturer, at ini-enkorahe niya ang kompanya para palakasin ang pamumuhunan sa siyensya at teknolohiya, at simulan ang pagpapaunlad ng advance process equipment.
Sa huling istasyon ng kanyang pagbisita sa Beijing Academy of Artificial Intelligence, inalam ni Li ang tungkol sa pagpapaunlad ng mga pinakabagong teknolohiya para sa LLM.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio