Kaugnay ng plano ng Hapon, Amerika, at Pilipinas na idaos ang summit sa susunod na Abril, para talakayin ang umano’y mga hegemonikong aktibidad ng Tsina sa East China Sea at South China Sea, sinabi kahapon, Marso 14, 2024, ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang mga aktibidad ng Tsina sa East China Sea at South China Sea ay ganap na alinsunod sa mga domestiko at internasyonal na batas, at hindi dapat sisihin ang mga ito.
Ani Wang, sa kabaligtaran, tumawid ang Amerika ng kalahating mundo at pumunta sa pintuan ng Tsina para buuin ang mga eksklusibong pangkat, ipakita ang puwersang militar, at gawin ang probokasyon. Ito aniya ay tunay na mga hegemonikong aktibidad.
Sinabi rin ni Wang, na hindi dapat lapastanganin ang soberanyang teritoryal at mga karapatan at kapakanang pandagat ng Tsina, at matatag at di-magbabago ang determinasyon ng Tsina sa pangangalaga sa sariling mga lehitimong karapatan.
Editor: Liu Kai
Pulido: Ramil Santos