Canberra, Australia – Sa kanyang pakikipagtagpo Miyerkules, Marso 20, 2024 kay dumadalaw na Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, inihayag ni Punong Ministro Anthony Albanese ng Australia na nitong 2 taong nakalipas, nakikita ng panig Australian ang muling pagbalik sa tumpak na direksyon ng relasyong Australian-Sino, at muling pagsigla ng kalakalan, pamumuhunan, at pagpapalitang di-pampamahalaan.
Kasama ng panig Tsino, nakahanda aniya ang Australia na palakasin ang pagpapalitan sa mataas na antas, at palalimin ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan sa iba’t-ibang larangan.
Diin ni Albanese, palaging iginigiit ng kanyang bansa ang prinsipyong isang-Tsina, at ito ay magpapatuloy.
Sinabi naman ni Wang, na kasama ng panig Australian, handa ang panig Tsino na gawing pagkakataon ang ika-10 anibersaryo ng komprehensibo’t estratehikong partnership ng dalawang bansa, upang ibayo pang pabutihin ang pagpapalitan sa mataas na antas, panumbalikin ang mekanismo ng diyalogo, palalimin ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan sa iba’t-ibang larangan, kontrolin at panaigan ang mga alitan batay sa paggagalangan, at magkasamang pasulungin ang pagtatatag ng mas mahusay, mas matatag at mas mabungang komprehensibo’t estratehikong partnership ng Tsina at Australia.
Salin: Vera
Pulido: Rhio