Canberra, Australia – Itinaguyod Miyerkules, Marso 20, 2024 nina Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina at Ministrong Panlabas Penny Wong ng Australia ang ika-7 round ng diplomatiko’t estratehikong diyalogo ng dalawang bansa.
Tinukoy ni Wang na ito ang ika-6 na pakikipagtagpo niya kay Wong.
Pagkatapos ng bawat pagtatagpo, lumalakas aniya ang pagtitiwalaan ng kapuwa panig, at lalo pang umaabante ang relasyong Sino-Australian.
Ito aniya ang kahalagahan ng pagpapalakas ng ugnayan, at positibong resulta ng walang humpay na pagpapabuti ng pagtitiwalaan at pag-aalis ng mga duda.
Umaasa ang ministrong Tsino na mananatili ang ganitong mainam na pagpapalitan.
Dagdag niya, hindi kailaman nakikialam ang Tsina sa mga suliraning panloob ng Australia, at iginagalang nito ang sistema’t landas na pinili ng panig Australian.
Umaasa aniya siyang patuloy na susundin ng Australia ang mga ginawang pangako nito sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, igagalang at maayos na hahawakan ang mga isyung may kinalaman sa soberanya, dignidad at lehitimong pagkabahala ng Tsina.
Saad ng opisyal-Tsino, mas malaki kaysa alitan ang komong kapakanan ng dalawang bansa, kaya kasabay ng pagkontrol sa mga alitan, dapat tumpak na pakitunguhan at mag-usap ang magkabilang panig upang mapanaigan ang mga ito.
Ang pinakaimportante’y paggigiit sa mutuwal na kapakinabangan at win-win na situwasyon, dagdag niya.
Ang pag-unlad ng relasyong Sino-Australian ay hindi nakatuon sa ika-3 panig, at hindi rin ito dapat magambala at mahadlangan ng ika-3 panig, diin ni Wang.
Salin: Vera
Pulido: Rhio