Pangulong Tsino, nakipagtagpo sa mga representante ng sirkulo ng negosyo, estratehiya at akademiya ng Amerika

2024-03-28 15:20:34  CMG
Share with:

Great Hall of the People, Beijing – Sa kanyang pakikipagtagpo, Marso 27, 2024, sa mga representante ng sirkulo ng negosyo, estratehiya at akademiya ng Amerika, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na ang relasyong Sino-Amerikano ay isa sa mga pinakamahalagang bilateral na relasyon sa buong daigdig.

 

Chinese President Xi Jinping meets with representatives from American business, strategic and academic communities at the Great Hall of the People in Beijing, capital of China, March 27, 2024 (photo from xinhua)


Ang respektibong tagumpay ng Tsina at Amerika ay pagkakataon aniya para sa is’t-isa.

 

Umaasa si Xi na dadalas ang pagpapalitan ng mga tauhan ng iba’t-ibang sirkulo ng dalawang bansa, para palawakin ang komong palagay, pabutihin ang pagtitiwalaan, pagtagumpayan ang iba’t-ibang hadlang, at palalimin ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan.

 

Layon ng mga ito aniyang makapaghatid ng mas maraming aktuwal na benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang bansa, at ihain ang mas maraming katatagan para sa buong daigdig.

 

Tinukoy ni Xi na ang ekonomiya ng Tsina ay malusog at sustenable, at tuluy-tuloy na pinapasulong ng bansa ang dekalidad na pag-unlad at modernisasyong Tsino, para ibigay ang mas malaking ambag sa sustenableng pag-unlad ng buong mundo.

 

Sinabi din niyang pinapaplano at isinasagawa ng Tsina ang isang serye ng mahahalagang hakbangin hinggil sa komprehensibong pagpapalalim ng reporma; at itinatatag ang market-oriented, nakabase sa batas, at primera-klaseng kapaligirang pangnegosyo.

 

Malugod aniyang tatanggapin ng Tsina ang pamumuhunan ng mga kompanyang Amerikano.

 

Ipinahayag naman ng mga representanteng Amerikano, na suportado nila ang pagpapalakas ng pagpapalitan at pagtutulungan sa iba’t-ibang antas; pagpapabuti ng pagkakaunawaan, pagtitiwalaan at kooperasyon ng Amerika at Tsina, upang magkasamang maharap ang mga hamong pandaigdig at mapasulong ang pagtatayo ng matibay, sustenable, at mabisang relasyong Amerikano-Sino.

 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio