Mahigpit na tinutulan at kinondena, Abril 17, 2024 ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, ang paglulunsad nang araw ring iyon ng Amerika sa Section 301 Investigation na nakakatuon sa suliraning pandagat, lohistiko, at industriya ng paggawa ng bapor ng Tsina.
Ayon sa tagapagsalita ng ministri, taglay ng petisyon ng panig Amerikano ang napakaraming di-totoong akusasyon, itinali nito ang karaniwang aktibidad pangkalakalan at pampamumuhunan sa pagpinsala sa pambansang seguridad at kapakanan ng mga kompanyang Amerikano, at ipinaratang sa Tsina ang sariling problemang industriyal.
Ito aniya ay hindi lang kulang sa katotohanan at batayan, kundi taliwas din sa sentido-komong pang-ekonomiya.
Hinihimok ng panig Tsino ang panig Amerikano na igalang ang katotohanan at multilateral na regulasyon, at agarang itigil ang maling kagawian upang bumalik sa sistemang pangkalakalan na nababatay sa alituntunin, saad niya.
Mahigpit aniyang susubaybayan ng panig Tsino ang progreso ng imbestigasyon, at isasagawa ang lahat ng kinakailangang hakbangin upang matatag na ipagtanggol ang sariling karapatan at kapakanan.
Salin: Lito
Pulido: Rhio