Sa kanyang panayam kamakailan sa AL Jazeera, sinabi ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, na ang kasalukuyang pangunahing gawain kaugnay ng sagupaan sa pagitan ng Palestina at Israel ay pagsasakatuparan ng tigil-putukan.
Dapat aniyang igarantiya ang maalwang pagpasok ng mga makataong materyal sa Gaza Strip, pigilan ang labis na pagkalat ng negatibong epekto ng sagupaan sa ibang rehiyon, at isakatuparan ang “two-state solution.”
Kaugnay ng krisis ng Ukraine, ipinahayag ni Wang na ang Tsina ay hindi kasangkot dito at hindi rin ito ang lumikha ng krisis.
Sapul nang maganap ang nasabing sigalot, palagiang iginigiit ng Tsina ang pulitikal na kalutasan sa pamamagitan ng diyalogo, dagdag ni Wang.
Kaugnay naman ng isyu ng Taiwan, idiniin niyang ang Taiwan ay isang di-maihihiwalay na bahagi ng Tsina at ang isyu ng Taiwan ay suliraning panloob ng Tsina.
Buong sikap at matapat aniyang isasakatuparan ng panig Tsino ang mapayapang reunipikasyon, kasabay ng hindi pagpapahintulot sa anumang puwersa na ihiwalay ang Taiwan mula sa Tsina sa anumang paraan.
Sinagot din ni Wang ang mga tanong hinggil sa kalagayan ng Red Sea, relasyong Sino-Amerikano at halalang pampanguluhan ng Amerika.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio