Sa kanyang pakikipagtagpo ngayong araw, Abril 26, 2024 kay Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Amerika, ipinahayag ni Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina, na kaugnay ng paninindigang Tsino sa relasyong Sino-Amerikano, palagiang iginigiit ng Tsina ang prinsipyo ng paggalang sa isa’t isa, mapayapang pakikipamuhayan at kooperasyong may win-win na resulta na iniharap ni Pangulong Xi Jinping para buong sikap na pasulungin ang matatag, malusog at sustenableng pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa.
Sinabi ni Wang na sapul nang magtagpo sina Pangulong Xi at kanyang counterpart na si Joe Biden ng Amerika sa San Francisco noong Nobyembre ng 2023, dumarami ang diyalogo at kooperasyon ng dalawang bansa sa iba’t ibang larangan.
Ito aniya ay angkop sa hangarin ng mga mamamayan ng dalawang bansa at komunidad ng daigdig.
Saad pa ni Wang na kasabay nito, kinakaharap pa rin ng relasyong Sino-Amerikano ang mga hamon at pagkapinsala, pabarumbadong sinisira at hinahadlangan ang lehitimong karapatan ng Tsina sa pag-unlad at kinakaharap ng nukleong kapakanan ng Tsina ang walang humpay na hamon.
Kaugnay nito, idiniin ni Wang na hindi nagbabago ang kahilingan ng Tsina na dapat igalang ang nukleong kapakanan sa isa’t isa, hindi dapat pakialaman ng Amerika ang mga suliraning panloob ng Tsina, huwag pigilan ang pag-unlad ng Tsina at hindi tumawid sa mga pulang linya o red line ng Tsina sa mga isyung may kinalaman sa soberanya, pambansang seguridad at pag-unlad.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil