Seryosong hinimok Biyernes, Mayo 10, 2024 ng panig Tsino ang panig Hapones na sundin ang kaukulang simulain at diwa ng apat na dokumentong pulitikal ng dalawang bansa, igiit ang pangako sa simulaing isang-Tsina sa pamamagitan ng aktuwal na aksyon, at huwag makipagsabwatan o kumatig sa mapangwatak na puwersa ng umano’y “pagsasarili ng Taiwan” sa anumang porma.
Winika ito ni Tagapagsalita Lin Jian ng Ministring Panlabas ng Tsina, bilang tugon sa pananalita ni Hsieh Chang-ting, umano’y “kinatawan ng Taiwan sa Hapon” kaugnay ng pagdalo ng kongresistang Hapones sa “inagurasyon ng presidente.”
Tinukoy ni Lin na ang Taiwan ay hindi kailanmang isang bansa, kaya wala itong umano presidente.
Aniya, ang isyu ng Taiwan ay purong suliraning panloob ng Tsina.
Saad ni Lin, sa magkasanib na pahayag ng Tsina at Hapon, malinaw ang pangako ng panig Hapones na “kinikilala ng pamahalaang Hapones ang pamahalaan ng Republika ng Bayan ng Tsina bilang siyang tanging lehitimong pamahalaan ng Tsina.”
Paulit-ulit aniyang ginawa ng panig Hapones ang mga solemnang pangako sa Tsina, na kinabibilangan ng di-pagsuporta sa “dalawang Tsina” o “isang Tsina, isang Taiwan,” o “pagsasarili ng Taiwan,” at pagpapanatili ng pagpapalitang di-pampamahalaan at panrehiyon lamang sa Taiwan.
Salin: Vera
Pulido: Ramil