Magkakasanib na pahayag ng Amerika, Hapon at Pilipinas, kabaligtaran ng tama at mali – Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina

2024-04-25 18:54:59  CMG
Share with:

Kaugnay ng magkasanib na pahayag kamakailan sa trilateral na summit ng Amerika, Hapon at Pilipinas, inihayag Huwebes, Abril 25, 2024 ni Tagapagsalita Wu Qian ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina ang mariing kawalang kasiyahan at matatag na pagtutol ng panig Tsino.

 

Inihayag ng nasabing pahayag ang “malubhang pagkabahala” sa “mapanganib at mapanalakay” na aksyon ng Tsina sa South China Sea (SCS) at East China Sea, hinimok ng mga kaukulang bansa ang panig Tsino na sundin ang umano’y arbitral award sa South China Sea, at ipinanawagan ang mapayapang pagresolba sa isyu ng Taiwan.

 

Tungkol dito, sinabi ni Wu na ang nasabing pahayag ay nagbubulag-bulagan sa katotohanan, binaligtad ang tama at mali, at walang batayang binatikos ang Tsina.

 

Dagdag niya, may di-mapapabulaanang soberanya ang Tsina sa mga pulo ng SCS at nakapaligid na rehiyong pandagat, at ito ay ayon sa lubos na batayang historikal at pambatas.

 

Aniya, ang teritoryo ng Pilipinas ay tiniyak ng isang serye ng mga kombensyong pandaigdig na kinabibilangan ng 1898 Treaty of Peace between the United States of America and the Kingdom of Spain (the Treaty of Paris), 1900 Treaty between the United States of America and the Kingdom of Spain for Cession of Outlying Islands of the Philippines (the Treaty of Washington), at 1930 Convention between His Majesty in Respect of the United Kingdom and the President of the United States regarding the Boundary between the State of North Borneo and the Philippine Archipelago, at ang Nansha Qundao at Huangyan Dao ng Tsina ay hindi kailanma’y nabibilang dito.

 

Malinaw na alam ng panig Pilipino tungkol dito, dagdag niya.

 

Samantala, ang Diaoyu Dao at mga pulo sa pagilid ay teritoryo ng Tsina, simula pa noong sinaunang panahon, at ang mga islang ito ay pinakamaagang natuklasan, pinangalanan, at ginamit ng mga Tsino.

 

Sa panahon ng Digmaang Sino-Hapones mula noong 1894 hanggang 1895, ninakaw ng Hapon ang Diaoyu Dao at mga pulo sa paligid, ani Wu.

 

Ayon sa mga pandaigdigang dokumentong pambatas na gaya ng Cairo Declaration at Potsdam Proclamation, ibinalik na sa Tsina ang Diaoyu Dao, at ito ay international consensus, aniya.

 

Tinukoy ni Wu na basurang papel ang umano’y arbitral award sa SCS.

 

Ipinaliwanag niyang nilabag ng arbitral tribunal ang simulain ng “pagsang-ayon ng bansa,” nagmalabis sa kapangyarihan sa paglilitis, pinilipit ang batas para gawin ang umanong arbitral award, at malubhang lumabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at karaniwang pandaigdigang batas, kaya ilegal at walang bisa ang nasabing arbitral award.

 

Hinding hindi ito tinatanggap at kinikilala ng Tsina, dagdag niya.

 

Kaugnay ng isyu ng Taiwan, ito aniya ay purong suliraning panloob ng Tsina, at hindi pinahihintulutan ang pakikialam ng anumang puwersang panlabas.

 

Saad ni Wu, pawang ginawa ng mga pamahalaan ng nasabing tatlong bansa ang solemnang pangako sa Tsina sa isyu ng Taiwan.

 

Hinihiling aniya ng panig Tsino sa tatlong bansa na sundin ang sariling pangako, itigil kaagad ang pakikialam sa mga suliraning panloob ng Tsina, at ihinto ang pagsira sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.

 

Tulad ng dati, buong tatag na ipagtatanggol ng People’s Liberation Army (PLA) ang soberanyang teritoryal at karapata’t kapakanang pandagat ng bansa, at pangangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon, dagdag niya.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio