Sa restrictive meeting nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Vladimir Putin ng Rusya kagabi, Mayo 16, 2024 sa Zhongnanhai ng Beijing, nagpalitan ang dalawang pangulo ng palagay hinggil sa krisis ng Ukraine.
Inilahad ni Xi ang paninindigang Tsino at pagsisikap para sa pulitikal na paglutas sa krisis na ito.
Binigyan diin niya na ang susi para sa paglutas ng krisis na ito ay ang pagtatatag ng bagong istrukturang panseguridad na balanse, mabisa at sustenable.
Saad niya na kinakatigan ng panig Tsino ang pagdaraos ng pandaigdigang pulong ng pangkapayapaan na angkop sa sitwasyon ng Rusya at Ukraine, at pantay na lalahukan ng iba’t ibang panig.
Nakahanda aniya ang Tsina na patuloy na gumanap ng konstruktibong papel para lutasin ang krisis na ito sa lalong madaling panahon.
Inilahad naman ni Putin ang paninindigan at palagay ng panig Ruso.
Aniya, hinahangaan niya ang paninindigang Tsino sa isyung ito at winewelkam ang pagganap ng panig Tsino ng mahalaga at konstruktibong papel para sa pulitikal na paglutas sa isyung ito.
Saad niya na buong sikap na nilulutas ng panig Ruso ang isyung ito sa pamamagitan ng talastasang pulitikal at nakahandang ipakita ang katapatan para rito.
Nakahanda aniya ang Rusya na panatilihin ang mahigpit na pag-uugnayan sa Tsina sa isyung ito.
Bukod dito, tinalakay din nina Xi at Putin ang mga estratehikong isyu na kapwa nilang pinahahalagahan.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil