Tuwing sasapit ang buwan ng Mayo, hindi nawawala sa kulturang Tsino ang kaliwa’t kanang pagdiriwang ng masayang International Cultural Festival (ICF) ng iba’t ibang unibersidad para ibahagi at ipakilala ang pandaigdigang kultura sa internasyonal na komunidad.
Mga Pilipinong estudyante ng Tsinghua University
Kaugnay nito, Mayo 18, 2024 sa Beijing, magkasabay na ipinagdiwang ng ilang mga Pilipinong estudyante mula sa Tsinghua University at Beihang University ang ICF at ibinahagi nila ang kanilang karanasan hinggil dito.
Enrico Gloria, Ph.D. in Politics, Tsinghua University
Ayon kay Enrico Gloria, Ph.D. in Politics, Tsinghua University, magandang pagkakakaton ang ICF para sa mga Pilipinong estudyante ng Tsinghua at nasasabik sila na ipakita kung ano talaga ang kulturang Pilipino sa mga Tsino.
Aniya, isa sa pinakamahalagang aspekto ng relasyong Pilipino-Sino ay ang pagpapalitang tao-sa-tao na hindi masayadong napag-uusapan, kaya sa pamamagitan ng aktibidad ng ICF, maaari nitong ibahagi ang kultura ng Pilipinas, kasabay ng kaparehong kulturang mayroon ang mga Tsino.
Sa pananaw ni Gloria, maraming oportunidad para makapag-aral at paunlarin ang mga kasanayan ng mga Pilipino sa Tsina, gaya ng pagkakaroon ng mga abiso mula sa mga unibersidad ng Tsina at bukas ang Commission on Higher Education ng Pilipinas para sa mga Pilipinong nais mag-aral sa Tsina.
Mga iba’t ibang produktong may elemento ng kulturang Pilipino
Mga ipinagmamalaking libro, buhay at gawa ni Dr. Jose Rizal
Habang makikita sa ipinagmamalaking booth ng mga Pilipinong estudyante ng Tsinguha University ang iba’t ibang produktong may elemento ng kulturang Pilipino gaya ng sasakyang jeep na yari sa kahoy, bulaklak na gawa sa ratan at kapiz, mga librong Noli Me Tangere at El Filibusterismo at buhay ni Dr. Jose Rizal.
Charish Uy, B.A. in International Studies, Tsinghua University
Ayon naman kay Charish Uy, B.A. in International Relations, Tsinghua University, ang pagdiriwang ng ICF ay isang pagkakataon na matutunan ang iba’t ibang kultura at makilala rin niya ang iba pang kultura at tao mula sa iba’t ibang bansa.
Aniya, nakakatulong ang ICF para palaguin ang pagkakaunawaan at relasyon ng Pilipinas at Tsina.
Sa pananaw ni Uy, hindi talaga hadlang ang wika para sa mga Pilipinong nais mag-aral sa Tsina dahil itinuturo ang mga kurso sa wikang Ingles at maraming mga Tsino at internasyonal na estudyante ang nakakapagsalita ng wikang Ingles at Tsino.
Pagwagayway ng watawat ng Pilipinas sa Beihang University
Para naman sa mga Pilipinong estudyante ng Beihang University, ito ang unang pagkakataon na sila ay makasali at makapagtayo ng isang booth sa kasaysayan ng pagdiriwang ng ICF ng unibersidad.
Chicco Go Baltazar at Sara Fresco, mga Pilipinong estudyante ng Beihang University
Makikita sa kanilang booth ang tema ng isang peryahang may nakasabit na makukulay na bandiritas, larong Color Game o Betu, sitsirya mula sa Oishi at ilang produktong inumin.
Sarah Fresco, B.Eng. in Mechanical Engineering, Beihang University
Para kay Sarah Fresco, B.Eng. in Mechanical Engineering, Beihang University, isang napakaimportanteng selebrasyon ang ICF dahil, magiging parte ito ng kanyang karanasan, at malaki rin ang papel nito para sa inklusibo at kahalagahan ng pagkakaiba-iba ng mga internasyonal na estudyante mula sa iba’t ibang kultura.
Sa tingin niya, malaki rin ang ginagampanang papel ng selebrasyon ng ICF para sa pagpapalago ng relasyon ng Pilipinas at Tsina dahil, hindi nito hinahayaang pabayaan ang pagkakaiba’t pagkakapareho ng mga kultura ng isa’t isa at higit nitong pinapatatag ang koneksyon ng dalawang bansa.
Sa tingin din ni Fresco, higit pang mahihikayat ang mga Pilipino na mag-aral sa Tsina dahil, pinapakita nito ang perks o kawili-wiling aktibidad at benepisyo, buhay sa loob at labas ng unibersidad, at mayamang kultura at pamumuhay sa Tsina.
Ulat/Larawan/Video: Ramil Santos
Patnugot sa teksto: Jade
Patnugot sa website: Lito
Pasasalamat para sa mga karagdagang larawan: Enrico Gloria, Sarah Fresco