Seoul, Timog Korea – Sa kanyang pakikipagtagpo Linggo, Mayo 26, 2024 kay Punong Ministro Fumio Kishida ng Hapon, inihayag ni Premyer Li Qiang ng Tsina na muling tiniyak sa Los Angeles noong nagdaang Nobyembre 2023 nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Kishida ang komprehensibong pagpapasulong sa estratehikong relasyong may mutuwal na kapakinabangan, bagay na nagbigay ng mahalagang patnubay-pulitikal sa pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa.
Umaasa aniya siyang pahahalagahan at ipapatupad ng panig Hapones ang sariling pangako, maayos na hahawakan ang mga isyung historikal at isyu ng Taiwan, di-magmamatigas sa Tsina, at bubuuin ang konstruktibo’t matatag na relasyong Sino-Hapones na angkop sa kahilingan ng makabagong panahon.
Saad ni Li, ang isyu ng pagtatapon ng nuklear na kontaminadong tubig ng Fukushima sa dagat ay may kinalaman sa kalusugan ng buong sangkatauhan, kaya umaasa siyang totohanang isasabalikat ng panig Hapones ang sariling responsibilidad at obligasyon.
Inihayag naman ni Kishida na ang konstruktibo’t matatag na relasyong Hapones-Sino ay makakabuti sa dalawang bansa, pati na rin sa buong mundo.
Nakahanda aniya ang panig Hapones na panatilihin at palakasin ang mainam na tunguhin ng kooperasyon sa Tsina, at komprehensibong pasulungin ang estratehikong relasyong may mutuwal na kapakinabangan ng dalawang bansa.
Samantala, sinang-ayunan ng kapuwa panig na palakasin ang diyalogo at pag-uugnayan sa iba’t-ibang antas, at idaos ang bagong round ng mataas na lebel na ekonomikong diyalogo ng Tsina’t Hapon sa angkop na panahon.
Salin: Vera
Pulido: Rhio