Pagbabalik ng malawakang kooperasyon ng Tsina-Hapon-Timog Korea ipinanawagan ng premyer Tsino

2024-05-27 16:32:42  CMG
Share with:

Sa kanyang pambungad na pahayag sa Ika-9 na Trilateral Summit Meeting ng Tsina, Hapon at Timog Korea sa Seoul, nanawagan si Premyer Li Qiang ng Tsina, Mayo 27, 2024 para sa komprehensibong pagbabalik ng trilateral na kooperasyon sa pagitan ng tatlong bansa sa pundasyon ng bukas na pananaw at malinaw na mga hakbang ayon sa prinsipyo ng non-exclusivity at non-discrimination.

 


Binigyang-diin ni Li, na dapat ituring ng Tsina, Hapon, at Timog Korea ang isa't-isa bilang mga magkasosyong nag-aalok ng mga pagkakataon para sa pag-unlad, at kailangan ding panatilihin ang ekonomikong globalisasyon at malayang kalakalan.

Ipinahayag din niya ang matatag na pagtutol sa proteksyonismo, pag-diskonekta sa isa’t-isa, at pagtuturing ng mga isyu sa ekonomiya at kalakalan bilang mga laro sa pulitika o usaping panseguridad.

 

Ang layunin at orihinal na hangarin aniya ng kooperasyon sa pagitan ng tatlong bansa ay pagtataguyod ng pag-unlad, pagpapalakas ng kooperasyon sa Silangang Asya, at pagpapanatili ng kapayapaan at kasaganaan ng rehiyon at buong mundo.

Dapat ayusin ng Tsina, Hapon, at Timog Korea ang mga sensitibong isyu at pagkakaiba, at bigyang-pansin ang pangunahing interes at malalaking alalahanin ng bawat isa, ayon pa kay Li.

 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio