Sa kanyang pakikipagtagpo Miyerkules, Hunyo 26, 2024 sa Beijing kay Punong Ministro Pham Minh Chinh ng Biyetnam, sinabi ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na iginigiit ng bansa ang komprehensibong pagpapalalim ng reporma at pagpapasulong sa modernisasyong Tsino.
Ibubunga aniya nito ang makabagong pagkakataon sa pagpapalawak ng kooperasyon ng magkabilang panig sa mga larangang gaya ng kabuhaya’t kalakalan, konektibidad, ekonomiyang didyital at iba pa.
Aniya pa, dapat panatilihin ng Tsina’t Biyetnam ang pagpapalitan sa mataas na antas, pasulungin ang de-kalidad na kooperasyon ng Belt and Road, pataasin ang lebel ng konektibidad, at pabutihin ang de-kalidad na pag-unlad ng pragmatikong kooperasyon.
Nakahanda rin aniya ang Tsina na i-enkorahe ang mas maraming kompanyang Tsino na mamuhunan sa Biyetnam.
Kaugnay nito, umaasa siyang ipagkakaloob ng panig Biyetnames ang pantay, makatarungan, at walang-pinapanigang kapaligirang pang-negosyo sa mga kompanyang Tsino.
Kailangang maayos na hawakan ng magkabilang panig ang mga isyung pandagat, pabilisin ang magkasamang paggagalugad sa dagat, at ipagtanggol ang kapayapaan at katatag ng rehiyon, dagdag ni Xi.
Saad naman ni Pham Minh Chinh, na ang dalaw-pang-estado ni Pangulong Xi sa Biyetnam noong nagdaang taon ay milestone sa kasaysayan ng relasyong Biyetnames-Sino.
Kasama ng panig Tsino, nakahanda aniya ang Biyetnam na mataimtim na ipatupad ang mahahalagang bunga ng nasabing pagdalaw, walang humpay na pahigpitin ang pagtitiwalaang pulitikal, palalimin ang pragmatikong kooperasyon, palakasin ang multilateral na koordinasyon, maayos na hawakan ang mga alitan, at totohanang pasulungin ang pagbuo ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Biyetnam at Tsina.
Salin: Vera
Pulido: Rhio