Sa kanyang talumpati, Hunyo 25, 2024 sa seremonya ng pagbubukas ng 2024 Summer Davos Forum sa lunsod Dalian, lalawigang Liaoning, hilagang-silangan ng Tsina, tinukoy ni Premyer Li Qiang ng bansa, na patuloy na pinabubuti ang de-kalidad na pag-unlad sa Tsina nitong ilang taong nakalipas, at mabilis ding umuunlad ang mga bagong industriya.
Ito aniya ay nagpapalakas sa sustenable at malusog na paglaki ng kabuhayang Tsino at nagkakaloob ng mas malaking espasyo ng kooperasyon para sa mga bahay-kalakal ng iba’t-ibang bansa.
Iniharap din niya ang 4 na mungkahi kaugnay ng paglaki ng kabuhayan sa hinaharap, na kinabibilangan ng una, pagpapalalim ng kooperasyon at pagpapalitan sa agham at teknolohiya at paglikha ng bukas, makatarungan at walang diskriminasyong kapaligiran ng inobasyon sa agham at teknolohiya; ikalawa, magkasamang pagpapasulong sa pag-unlad ng mga berde at mababang karbong teknolohiya; ikatlo, pangangalaga sa bukas na kapaligiran ng pamilihan, pagtutol sa pakakawatak-watak, pangangalaga sa kaayusan ng kadena ng suplay at industriya, pagpapasulong ng simple at bukas na pamumuhunan at kalakalan; at ikaapat, paghahain ng kaunlarang may pagbibigayan at preperensya sa lahat.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio