Limang Prinsipyo ng Mapayapang Pakikipamuhayan, pinahahalagahan ng mga internasyonal na personahe

2024-06-30 16:06:16  CMG
Share with:

 

Sa panayam sa China Media Group (CMG), makaraan ang pulong bilang paggunita sa ika-70 anibersaryo ng Limang Prinsipyo ng Mapayapang Pakikipamuhayan, Hunyo 28, 2024, sa Beijing, ipinahayag ng mga kalahok na ang mga prinsipyong ito ay hindi lamang patnubay sa kasalukuyang relasyong pandaigdig, kundi proteksyon din sa mga lehitimong karapatan at kapakanan ng mga bansa sa buong mundo, lalung-lalo na ng mga umuunlad na bansa.

 

Sinabi ni dating Pangulong Kgalema Motlanthe ng Timog Aprika, na ipinakikita ng Limang Prinsipyo ng Mapayapang Pakikipamuhayan ang malakas na panawagan sa kasalukuyang daigdig para sa kapayapaan.

 

Binigyang-diin naman ni Nong Duc Manh, dating Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Vietnam, na sa pamamagitan ng 70 taong pag-iral sa relasyong pandaigdig, ipinakikita ng  limang prinsipyo ang malakas na bitalidad bilang saligang batayan at pamatayan sa pandaigdigang relasyon at batas.

 

Ipinahayag ni Kao Kim Hourn, Pangkalahatang Kalihim ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), na sa harap ng masalimuot na heopulitikal na kalagayan, mahalaga ang pagtataguyod ng limang prinsipyo upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan para sa sustenableng kaunlaran at kasaganaan sa rehiyon.

 

Samantala, tinukoy ni Massimo D'Alema, dating Punong Ministro ng Italya, na ang Limang Prinsipyo ng Mapayapang Pakikipamuhayan ay patunay na maari at dapat mapayapang makipamuhayan sa isa’t-isa ang mga bansang may magkakaibang sistemang pulitikal.

 

Sinabi naman ni dating Pangulong Mulatu Teshome ng Ethiopia, na ang limang prinsipyo ay pampalakas sa pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan.


Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan