Pangulong Tsino at Punong Ministro ng Hungary, nagtagpo

2024-07-08 16:28:17  CMG
Share with:

Sa pagtatagpo ngayong araw, Hulyo 8, 2024 sa Beijing nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Punong Ministro Viktor Orban ng Hungary, sinabi ng punong ehekutibong Tsino, na ibayo pang pasusulungin ng Tsina ang de-kalidad na pag-unlad at pagbubukas sa labas.

 

Ito aniya ay magkakaloob ng bagong pagkakataon para sa kooperasyon ng dalawang bansa.

 

Ani Xi, dapat ding panatilihin ng dalawang bansa ang pagpapalagayan sa mataas na antas, palalimin ang pagtitiwalaang pulitikal, patuloy at matatag na katigan ang isa’t-isa at pabutihin ang aktuwal na kooperasyon sa maraming larangan.

 

Inihayag din niya ang pagbati sa Hungary sa panunungkulan nito bilang kasalukuyang tagapangulong bansa ng Unyong Europeo (EU).

 

Aniya, walang hidwaan ang Tsina at Europa sa heo-pulitika at pundamental na interes, kaya dapat panatilihin ng dalawang panig ang matatag at malusog na relasyon at magkasamang harapin ang mga hamong pandaigdig.

 

Ipinahayag naman ni Orban, na ang Tsina ay mahalagang puwersa sa pagpapasulong ng kapayapaang pandaigdig at lubos na hinangaan at pinahalagahan ng Hungary ang papel at impluwensiya ng Tsina.

 

Sinabi niyang pinaninindigan ng kanyang bansa ang pagpapabuti ng kooperasyon sa Tsina at tinututulan ang bloc confrontation.

 

Nakahanda ang Hungary na samantalahin ang panunungkulan nito bilang tagapangulong bansa ng EU para aktibong isulong ang malusog at matatag na pag-unlad ng relasyon ng EU at Tsina, ani Orban.  

 

Bukod diyan, malalim na tinalakay ng dalawang lider ang krisis ng Ukraine.


Hinggil dito, inihayag ni Orban ang hinggil sa kanyang pagdalaw sa Ukraine at Rusya.


Hinangaan naman ni Xi ang pagsisikap ni Orban para pasulungin ang pulitikal na kalutasan ng nasabing usapin.


Inilahad din ni Xi ang paninindigang Tsino hinggil sa krisis na ito.


Salin: Ernest

Pulido: Rhio