Tsina, tinututulan ang pagpapakalat ng Amerika ng pekeng impormasyon

2024-07-12 16:02:02  CMG
Share with:

Kaugnay ng pahayag ni Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Amerika, sa 2024 NATO Public Forum, sinabi Hulyo 11, 2024, ni Lin Jian, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina (MOFA), na buong tatag na tinututulan ng Tsina ang Amerika sa patuloy nitong pagpapakalat ng pekeng impormasyon na sinusuportahan ng Tsina ang industriyang pandepansa ng Rusya.

 

Ani Lin, nang sumiklab ang krisis sa Ukraine, nagpakalat ang Amerika ng mga pekeng impormasyon na ipinagkakaloob ng Tsina ang suportang militar sa Rusya, pero hanggang sa ngayon, wala pang matibay na ebidensya.

 

Sa katunayan, ipinapakita ng datos na 95% ng mga pangunahing bahagi ng mga sandatang Ruso na sinira ng Ukraine ay galing sa kanluran, kung saan 72% nito ay galing sa kompanyang Amerikano.

 

Hanggang sa kasalukuyan, hindi pinutol ng Amerika at mga kaalyado nito ang kalakalan sa Rusya. Karamihan sa mga bansa sa buong mundo naman ay hindi lumahok sa pagpapataw ng mga sangsyon laban sa Rusya o pinutol ang kalakalan sa Rusya.

 

Sinabi ni Lin na ang Tsina ay hindi lumikha ng krisis sa Ukraine, at wala itong direktang kinalaman sa isyung ito. Malinaw aniya ang posisyon ng Tsina na hindi magkakaloob ng sandata sa anumang panig sa hidwaan.

 

Kasabay nito, makatwiran ang pagsasagawa ng mga kompanyang Tsino ng normal na kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan sa iba’t ibang bansa sa buong mundo, kabilang na ang Rusya at Ukraine, alinsunod sa mga alituntunin ng World Trade Organization at prinsipyo ng merkado, saad ni Lin.

 

Salin:Sarah

Pulido:Ramil