Beijing — Sa kanyang pakikipag-usap Hulyo 19, 2024 kay Mélanie Joly, dumadalaw na Ministrong Panlabas ng Kanada, sinabi ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina na nitong ilang taong nakalipas, nakaranas ang relasyong Sino-Kanada ng mga kahirapan at pag-ikot. Ito aniya ay hindi gustong makita ng panig Tsino, at kailangang mataimtim na pagmuni-munihan muna ito ng panig Kanadyano.
Ani Wang, dapat hawakan ng kapuwa panig ang tamang direksyon, matuto sa mga karanasan at aral ng kasaysayan, at totohanang sundin ang kanilang mga pangako sa pagkakaroon ng relasyong diplomatiko upang makapagpasok ng buwelo sa pagiging normal ang bilateral na relasyon ng dalawang bansa.
Dagdag niya, dapat isagawa ng panig Kanadyano ang aktuwal na aksyon para mapabuti ang pundasyon ng mithiin ng kanilang mga mamamayan.
Pawang suliraning panloob ng Tsina ang isyu ng Taiwan, Xizang, Xinjiang, at Hong Kong, at hinding hindi pahihintulutan ang panghihimasok dito ng dayuhang puwersa, diin pa ni Wang.
Ipinahayag naman ni Joly ang kahandaan ng panig Kanadyano na aktibo at pragmatikong pabubutihin at pauunlarin ang relasyon sa Tsina.
Patuloy aniyang igigiit ng Kanada sa prinsipyong isang-Tsina.
Salin: Lito
Pulido: Ramil