Tsina sa Amerika: ipaliwanag ang malubhang kapinsalaang dulot ng pekeng impormasyon laban sa bakuna ng Tsina sa COVID-19

2024-07-22 16:09:08  CMG
Share with:

Kaugnay ng kampanya ng disimpormasyon ng pamahalaang Amerikano laban sa anti-Covid vaccine, inihayag ngayong araw, Hulyo 22, 2024 ng Pasuguan ng Tsina sa Pilipinas na hayagang inamin kamakailan ni Mike Pompeo, dating Kalihim ng Estado ng Amerika, na “kami’y nagsinungaling, kami’y nandaya, kami’y nagnakaw.”

 

Samantala, ang kampanya ng pekeng impormasyong dumingis sa bakuna ng Tsina sa panahon ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) na inilunsad ng Pentagon ay nabunyag kamakailan, at isinapubliko rin ng tropang Amerikano ang pinakahuling military doctrine na pinamagatang “Deception.”

 

Tinukoy ng pasuguang Tsino, na ipinakikita ng sangkaterbang katotohanan ang tunay na ugali ng Amerika, at kabilang diyan ang paghahangad ng personal na kapakanan sa katuwiran ng “pandaigdigang katarungan,” pagpapakalat ng mga pekeng impormasyon sa pamamagitan ng panlilinlang, at  pagpaparatang at paninikil sa karapatan ng ibang bansa sa pamamagitan ng manipulasyon sa opinyong publiko at persepsyon.

 

Nakikita at minamatyagan ng komunidad ng daigdig ang ginagawa ng Amerika, anang pasuguan.

 

Hinimok nito ang panig Amerikano, na iwasto kaagad ang maling kilos, itigil ang pagluluto ng kasinungalingan at paninirang-puri sa ibang bansa, at gawin ang paliwanag sa komunidad ng daigdig kaugnay ng matagal nang pagpapakalat nito ng mga pekeng impormasyon, at ipaliwanag sa lalong madaling panahon sa mga mamamayang Pilipino ang malubhang kapinsalaang dulot ng pekeng impormasyon laban sa mga bakuna ng Tsina sa COVID-19.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio