Pahayag ng Embahadang Tsino sa Pilipinas kaugnay ng paggunita ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas sa ika-8 anibersaryo ng umano’y “hatol ng arbitrasyon ng SCS”

2024-07-13 13:14:05  CMG
Share with:

Ipinalabas Hulyo 12, 2024 ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas ang pahayag bilang paggunita sa ika-8 anibersaryo ng pagsasapubliko ng “hatol ng arbitrasyon sa South China Sea (SCS).”


Anang pahayag, ang nasabing hatol ay pinal at mabisa, at lubos na hinihikayat ang panig Pilipino ng palagiang suporta ng Group of Seven (G7) at iba pa sa hatol na ito. Tinatanggap din anito ang pagsipi sa hatol ng kaukulang advisory opinion sa climate change ng International Tribunal for the Law of the Sea (ITLOS), at naniniwalang matibay ito at di matitinag ang katayuan ng hatol bilang isang mahalagang bahagi ng pandaigdigang batas.


Kaugnay nito, ipinahayag ng Embahadang Tsino sa Pilipinas na ang arbitrasyon sa SCS ay isang parsang pulitikal na nakasuot ng balabal ng batas. Nilabag ng Pilipinas ang kasunduan sa Tsina na resolbahin ang mga kaukulang hidwaan sa SCS sa pamamagitan ng bilateral na pagsasanggunian at talastasan, nilabag ang mga probisyon ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC) na mapayapang resolbahin ng mga kaukulang bansa ang kanilang alitan sa pamamagitan ng pagsasanggunian at talastasan, at inabuso ang mekanismo ng paglutas sa hidwaan ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) nang balewalahin ang nagawang statement of exclusion ng panig Tsino at lantarang magsampa ng kaso ng arbitrasyon sa SCS laban sa Tsina. Ang umano’y arbitral tribunal ay lumampas sa hurisdiksyon nito, lumabag sa batas, at gumawa ng mga iligal at di mabisang hatol. Hindi tumatanggap o lumalahok ang Tsina sa umano’y arbitrasyon, at hindi rin nito tinatanggap o kinikilala ang umano’y hatol, lalo pa ang anumang mga reklamo o aksyon batay sa hatol na ito.


Ang posisyong ito ng Tsina ay sinusuportahan at nauunawaan ng higit sa 100 bansa sa daigdig. Maraming makapangyarihang internasyonal na eksperto sa batas at iskolar ang pumuna at nagtanong din sa hatol ng arbitrasyon.


Itinuturing ng panig Pilipino ang iligal na hatol ng arbitrasyon sa SCS bilang batayan at patnubay sa kapinsalaan ng relasyong Sino-Pilipino. Sa katunayan, nahulog ito sa bitag ng Amerika at ilang Kanluraning bansa na naging kasangkapan ng ilang bansa upang bumuo ng isang "bloc" sa paglaban at pagpigil sa Tsina. Itinuturing ng panig Pilipino ang nasabing hatol at UNCLOS bilang dalawang pundasyon ng patakaran at aksyon nito sa SCS. Ngunit, ang hatol mismo ay malubhang lumilihis sa UNCLOS, na naglalantad ng kontradiksyon sa kaukulang posisyon ng panig Pilipino. Kung matigas na nananatili ang panig Pilipino sa maling posisyon at gumigiit ng hatol, magpapatuloy ito sa maling landas lamang.


Ang iligal na hatol ng arbitrasyon sa SCS ay hindi bumubuo ng pandaigdigang batas, ngunit may negatibong epekto sa pandaigdigang batas. Ang advisory opinion na inilabas ng ITLOS ay nakapokus sa pagbabago ng klima at mga isyu sa pangangalaga sa kapaligirang pandagat, at walang kinalaman sa isyu ng hidwaan na teritoryal at pandagat, at wala ring kaugnayan sa isyu ng pagtiyak sa bisa ng SCS arbitration award. Walang anumang kuwenta ang anumang pagtatangka na lituhin ang publiko, at hindi nito mahahadlangan ang matatag na determinasyon ng Tsina sa pagtatanggol ng sariling soberanya ng teritoryo at karapatan at kapakanang pandagat.


Sa kasalukuyan, sa magkakasanib na pagsisikap ng Tsina at mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), nananatiling matatag sa kabuuan ang situwasyon sa SCS. Nakahanda ang panig Tsino na patuloy na makipagtulungan sa mga bansang ASEAN na kinabibilangan ng Pilipinas upang pangasiwaan at kontrulin ang mga pagkakaiba sa dagat, palalimin ang kooperasyong pandagat, komprehensibo at mabisang ipatupad ang DOC, aktibong isulong ang mga konsultasyon sa COC, at kapit-bisig na pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa SCS.


Patuloy at mahigpit na pangangalagaan ng Tsina ang soberanya ng teritoryo at karapatan at kapakanang pandagat, at kasabay nito ay igigiit ang maayos na pagresolba sa mga hidwaan at pagkakaibang may kinalaman sa dagat sa pamamagitan ng negosasyon at konsultasyon sa mga direktang kinauukulang bansa batay sa paggalang sa mga makasaysayang katotohanan at pandaigdigang batas.


Hinihimok ng panig Tsino ang panig Pilipino na sundin ang mga pangako nito, ihinto ang paggamit at pagpukaw sa iligal na hatol, at bumalik sa tamang landas ng bilateral na negosasyon upang malutas ang mga di pagkakaunawaan sa lalong madaling panahon.


Ang Amerika ay nagpasimula ng arbitrasyon sa SCS. Sa okasyon ng anibersaryo ng iligal na hatol kada taon, pinagtitipun-tipunin nito ang ilang bansa sa labas ng rehiyon upang pukawin ang pangyayaring ito na nagtatangkang bigyan ng presyur ang Tsina at pilitin ang Tsina na tanggapin ang iligal na hatol.


Mariin itong tinututulan ng Tsina. Hinihimok ng Tsina ang mga bansa sa labas ng rehiyon na pinamumunuan ng Amerika, na totohanang igalang ang mga pagsisikap ng mga bansa sa rehiyon upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan, itigil ang mga salita at kilos na hindi nakakatulong sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon, at ihinto ang panggugulo sa kapayapaan at katatagan sa SCS.


Salin: Lito

Pulido: Ramil