Sa kanyang paglahok sa serye ng mga pulong ng mga ministrong panlabas ng mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Silangang Asya sa Vientiane, Laos, inilahad, Hulyo 27, 2024, ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, na may ganap na makasaysayan at legal na batayan ang Tsina hinggil sa soberanya sa teritoryo at mga karapatan, at kapakanang pandagat sa South China Sea (SCS).
Alinsunod sa pangangalaga sa mainam na pagkakapit-bansaan at kooperasyong panrehiyon, nilagdaan aniya ng Tsina, kasama ng mga bansa ng ASEAN ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC) at tuloy-tuloy at epektibong ipinatutupad ang deklarasyong ito.
Samantala, kasama ng mga bansang may direktang kinalaman, iginigiit din aniya ng Tsina ang maayos na pangangasiwa sa mga pagkakaiba, sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian, dagdag niya.
Sinabi ni Wang na isinusulong ng Tsina at mga bansang ASEAN ang negosasyon sa Code of Conduct in the South China Sea, aktibong isinasagawa ang mga pragmatikong kooperasyong pandagat, at magkakasamang pinapanatili ang kapayapaan at katatagan sa South China Sea.
Mayroon aniyang kumpiyansa, talino, at kakayahan ang mga rehiyonal na bansa upang pangasiwaan ang isyung nabanggit.
Bilang tugon sa muling pagbanggit ng ilang bansa sa umano’y na South China Sea arbitration, tinukoy ni Wang na walang hurisdiksyon ang arbitral tribunal sa mga may kinalamang isyu ng South China Sea, at iligal ang hatol nito, dahil mali ang mga batas at katotohanan nitong kinilala, at mayroon din itong politikal na motibo.
Ang desisyon aniya ng arbitrasyon ay malubhang lumalabag sa internasyonal na batas, lalo na sa United Nations Convention on the Law of the Sea, kaya iligal at wala itong bisa.
Binigyang-diin niyang wala itong epekto sa anumang situwasyon sa soberanya sa teritoryo at mga karapatan at kapakanang pandagat ng Tsina sa South China Sea.
Kaugnay naman ng isyu ng Ren'ai Jiao, sinabi ni Wang, na ito ay likas na teritoryo ng Tsina.
Aniya, unilateral na binago ng Pilipinas ang status quo sa Ren'ai Jiao sa pamamagitan ng iligal na pagsadsad sa BRP Siera Madre, at tangka nitong pagtatayo ng permanenteng outpost.
Ito aniya ay malubhang lumalabag sa Artikulo 5 ng DOC at tumatalikod sa mga pangako sa panig Tsino.
Para sa mga layuning makatao, narating ng Tsina at Pilipinas ang pansamantalang kasunduan sa pangangasiwa sa sitwasyon sa Ren'ai Jiao, na nagpapahintulot sa paghahatid ng panig Pilipino ng mga pangunahing pangangailangan pagkaraan ng on-site na pagtitiyak ng panig Tsino at pagsubaybay sa buong proseso, saad ni Wang.
Nanawagan siya sa Pilipinas na tupdin ang narating na kasunduan, huwag talikuran ang pangako, at huwag lumikha ng bagong kaguluhan.
Sinabi rin ni Wang na ang South China Sea ay isa sa pinakaligtas at pinakamalayang rutang pandagat sa mundo, at walang kailangang ipag-alala sa kalayaan ng paglalayag at paglipad sa karagatang ito.
Ani Wang, ilang bansa sa labas ng rehiyon ang nagdudulot ng kaguluhan, lumilikha ng paggambala, nanunulsol ng komprontasyon, at nagde-deploy ng intermediate-range missile system sa rehiyon.
Sila ang pinakamalaking sumisira sa kapayapaan sa South China Sea, diin ni Wang.
Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan