Inilabas kamakailan ng Tsina ang “ulat hinggil sa kalagayan ng kapaligirang ekolohikal ng karagatan ng Huangyan Dao,” at “ulat hinggil sa pagsira ng sinadyang-isadsad na BRP Sierra Madre sa Ren’ai Jiao sa sistemang ekolohikal ng mga bahura.”
Magkahiwalay na sinuri ng nasabing mga ulat ang kalagayan ng sistemang ekolohikal sa Huangyan Dao at Ren’ai Jiao.
Ayon sa mga ito, maayos ang kalagayan ng karagatan ng Huangyan Dao, at malusog ang sistemang ekolohikal ng mga bahura; pero grabeng nasira ang sistemang ekolohikal ng mga bahura sa Ren’ai Jiao, dahil sa ilegal na pagsadsad ng BRP Sierra Madre at kaukulang aktibidad ng mga sundalong Pilipinong naka-istasyon dito.
Ang konklusyon ng nasabing mga ulat ay ginawa batay sa obdyektibong katotohanan at siyentipikong imbestigasyon.
Kaugnay nito, hiniling ng panig Tsino sa panig Pilipino na alisin ang BRP Sierra Madre sa Ren’ai Jiao upang mapangalagaan ang sistemang ekolohikal doon.
Ito rin ay bilang pangangalaga ng Tsina sa sariling soberanya at karapata’t kapakanang pandagat.
Nitong nakalipas na maraming taon, maraming aksyon ang isinagawa ng Tsina sa pangangalaga sa kapaligirang pandagat ng South China Sea.
Kasama ng Unyong Europeo (EU), Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), mga bansang pulo sa Pasipiko, mga bansa sa Arktiko, at mga bansa sa Timog Amerika, tuluy-tuloy na itinatatag ng Tsina ang blue partnership, at ginagawa ang mahahalagang ambag sa pangangalaga sa sistemang ekolohikal ng South China Sea, maging ng mga dagat sa buong mundo.
Sa kabilang banda, sinisira ng mga aksyon ng Pilipinas ang ekolohiya sa nasabing karagatan.
Halimbawa, tuluy-tuloy ang ilegal na pangingisda ng Pilipinas sa South China Sea, kaya ito ay nagbunsod ng malubhang kapinsalaan sa sistemang ekolohikal ng naturang katubigan.
Ang Pilipinas ay isa rin sa mga bansang pinakamalubhang nagsasagawa ng cyanide fishing sa buong mundo, at pinakamaaga rin itong gumamit ng cyanide sa pangingisda.
Napakalinaw kung sino ang tagapagsira sa kapaligiran ng South China Sea.
Dapat ay mataimtim na suriin ng Pilipinas ang sarili, agarang alisin BRP Sierra Madre, at pawiin ang ugat ng polusyon, upang maiwasan ang tuluy-tuloy na pagkasira sa kapaligirang ekolohikal ng Ren’ai Jiao.
Ang pangangalaga sa kapaligirang pandagat ay may kinalaman sa biyaya ng sangkatauhan, at hindi dapat maging kasangkapang pulitikal ng iilang bansa sa pagpapasulong sa komprontasyong heopulitikal, at paghahangad ng personal na kapakanan sa isyu ng South China Sea.
Salin: Vera
Pulido: Rhio