Tsina at Switzerland, nagpalitan ng kuru-kuro hinggil sa isyu ng Palestina

2024-08-06 16:33:56  CMG
Share with:

Nag-usap sa telepono Agosto 5, 2024, sina Zhai Jun, Espesyal na Sugo ng pamahalaang Tsino sa isyu ng Gitnang Silangan, at Wolfgang Amadeus Brulhart, Sugo ng Switzerland sa Gitnang Silangan.

 

Sa pagpapakilala ni Zhai ng diyalogo ng rekonsiliasyon noong Hulyo, 2024, sa Beijing, sa pagitan ng 14 na paksyon ng Palestina, sinabi ni Zhai na taos-pusong umaasa ang Tsina na isasakatuparan ng iba’t ibang paksyon ng Palestina ang pambansang pagkakaisa at maitatatag ang independenteng estado sa lalo madaling panahon batay sa rekonsiliasyong panloob.

 

Sinabi ni Zhai na pinasasalamatan ng Tsina ang aktibong pagsisikap ng Switzerland para isakatuparan ang two-state solution at nakahandang makipagtulungan ang Tsina, kasama ng Switzerland, para patuloy na gumawa ng mga positibong kontribusyon sa pagtataguyod ng kapayapaan at katatagan ng rehiyon.

 

Binati at pinapurihan naman ni Brulhart ang pamamagitan ng Tsina para sa diyalogo ng rekonsiliasyon at paglalagda ng Beijing Declaration.

 

Aniya, pare-pareho ang paninindigan ng Switzerland at Tsina pagdating sa rekonsiliasyon sa pagitan ng mga paksyon ng Palestina.

 

Sinabi ni Brulhart na ang pagbuo ng iba’t ibang paksyon ng Palestina ng pagkakaisang posisyon ay paunang kondisyon para sa pagsasakatuparan ng two-state solution at paglutas ng isyu ng Palestina, at nanawagan na panatilihin ang komunikasyon sa Tsina sa isyung ito.

 

Nagpalitan din ang dalawang panig ng kuru-kuro hinggil sa pinakahuling kalagayan sa Gitnang Silangan.

 

Salin:Sarah

Pulido:Ramil