Tsina at Myanmar, nangakong susuportahan ang mga pangunahing interes ng isa’t isa

2024-08-15 15:55:04  CMG
Share with:

Nagtagpo Agosto 14, 2024, sa Nay Pyi Taw, kabisera ng Myanmar, sina Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina at Min Aung Hlaing, lider ng Myanmar.

Nangangako ang dalawang panig na susuportahan ang isa’t isa sa mga isyung may kinalaman sa kani-kanilang mga pangunahing interes.


Ipinahayag ni Wang na matatag na sinusuportahan ng Tsina ang Myanmar sa pangangalaga nito ng kalayaan, soberanya, pambansang pagkakaisa at integridad ng teritoryo.

  

Bilang isang magkaibigang kapit-bahay, tinututulan ng Tsina ang kaguluhan at digmaan sa Myanmar, pakiki-alam ng mga puwersa sa labas ng rehyon sa mga suliraning panloob ng Myanmar at anumang pagtatangka na sirain ang relasyon ng Tsina at Myanmar at dungisan ang Tsina, dagdag niya. 

 

Sinabi din niya na ang higit pang komprehensibong pagpapalalim ng reporma at pagsulong ng modernisasyong Tsino ay magdadala ng mga bagong pagkakataon sa pag-unlad sa mundo, lalo na para sa mga kalapit na bansa. 

 

Binigyan-diin ni Wang na nakahanda ang Tsina na palalimin ang kooperasyon sa Myanmar sa iba’t ibang larangan, at inaasahan na epektibong mapapangalagaan ng Myanmar ang kaligtasan ng mga tauhan at proyektong Tsino sa Myanmar. 


Sinabi naman ni Min Aung Hlaing na lubos na pinahahalagahan ng Myanmar ang relasyon sa Tsina, nakatuon sa pagpapaunlad ng pagkakaibigang Myanmar-Sino, at matatag na iginigiit ang prinsipyong isang-Tsina. 


Binigyang-diin niya na sa susunod na taon ang ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Myanmar at maaaring magkasamang mag-organisa ng mga aktibidad sa pagdiriwang para paunlarin ang tradisyonal na pagkakaibigan at pasulungin ang higit na pag-unlad ng relasyon sa pagitan ng dalawang bansa. 


Pinasalamatan din ni Min Aung Hlaing ang Tsina para sa konstruktibong papel nito sa pagpapasulong ng talastasang pangkapayapaan sa hilagang Myanmar. Umaasa siyang patuloy na susuportahan ng Tsina ang Myanmar para panatilihin ang domestikong kapayapaan at pagsasakatuparan ng pulitikal na rekonsilyasyon. 


Salin:Sarah

Pulido:Ramil