Pangulo ng Tsina at Brazil, nagpalitan ng mensahe bilang pagbati sa anibersaryo ng relasyong diplomatiko

2024-08-15 17:05:12  CMG
Share with:

Nagpalitan Agosto 15, 2024, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Luiz Inacio Lula da Silva ng Brazil ng mensahe sa isa’t isa bilang pagbati sa ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa.

 

Binigyan-diin ni Xi na sa pagbisita ni Lula sa Tsina noong nakaraang taon, narating nila ang mahalagang konsesus hinggil sa pagbubukas ng bagong hinaharap para sa relasyong Sino-Brazil sa bagong panahon.

 

Aniya, nakahanda ang Tsina na gawing bagong simula ang ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Brazil, patuloy na palakasin ang pag-uugnayan ng mga estratehiyang pangkaunlaran ng dalawang bansa, palalimin ang pagpapalitan at pagtutulungan sa iba’t ibang larangan, at magkasamang pasulungin ang pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Tsina at Brazil.

 

Ipinahayag naman ni Lula na sa kasalukuyan, pinapanatili ng dalawang bansa ang kooperasyon sa maraming larangan. Ang relasyong Brazil-Sino ay napakahalaga para sa pagtatatag ng multi-polar na kaayusan at mas makatarungan at epektibong pandaigdigang pamamahala.

 

Aniya, sa susunod na 50 taon ng bilateral na relasyon, magkasamang bubuksan ng Tsina at Brazil ang bagong landas at bubuo ng mas magandang kinabukasan.

 

Ipinadala din nang araw rin iyon nina Pangalawang Pangulong Han Zheng ng Tsina at Pangalawang Pangulong Geraldo Alckmin ng Brazil ang mensaheng pambati sa isa’t isa.

 

Salin:Sarah

Pulido:Ramil