Nagtagpo Agosto 19, 2024, sina Premyer Li Qiang ng Tsina at To Lam, dumadalaw na Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Biyetnam (CPV) at Pangulo ng bansa.
Sinabi ni Li na ang Tsina at Biyetnam ay magkakaugnay sa ekonomiya at kalakalan, at may mataas na industriyal na komplementaridad at malawak na espasyo para sa kooperasyon.
Saad niya, nakahanda ang Tsina na pasulungin ang konektibidad sa Biyetnam, palawakin ang kalakalan at pamumuhunan, at palakasin ang kooperasyon sa Biyetnam sa iba’t ibang larangan.
Itataguyod aniya ng Tsina at Biyetnam ang isang serye ng aktibidad bilang pagdiriwang sa ika-75 anibersaryo ng bilateral na ugnayan sa susunod na taon.
Dagdag niya na dapat palalimin ng dalawang bansa ang pagpapalitan ng tao-sa-tao.
Hinimok din ni Li na dapat pasulungin ang koordinasyon ng dalawang panig sa loob ng multilateral na mekanismo tulad ng United Nations, ASEAN, Lancang-Mekong Cooperation, na naglalayong mag-ambag sa rehiyon at pandaigdigang kapayapaan at kaunlaran.
Sinabi naman ni To Lam na palagiang isinasaalang-alang ng Biyetnam ang relasyon sa Tsina bilang estratehikong pagpipilian at priyoridad sa patakarang panlabas nito at matatag na nananangan ang Biyetnam sa prinsipyong isang-Tsina.
Aniya, nakahanda ang Biyetnam na magsikap kasama ng Tsina para palakasin ang pagpapalitan sa iba’t ibang lebel, patibayin ang pagtitiwalaang pulitikal sa isa’t isa para pasulungin ang konstruksyon ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Tsina at Biyetnam.
Salin:Sarah
Pulido:Ramil