Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono Agosto 23, 2024 kay Keir Starmer, Punong Ministro ng Britanya, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na malalimang nagbabago ang kasalukuyang situwasyong pandaigdig, bilang kapuwang pirmihang kasaping bansa ng United Nations Security Council (UNSC) at pangunahing ekonomiya sa daigdig, dapat pakitunguhan ng Tsina at Britanya ang kanilang relasyon sa pangmalayuan at estratehikong pananaw, at dapat ding palakasin ang diyalogo at kooperasyon upang benepisyunan ang dalawang bansa at buong daigdig.
Sinabi ni Xi na nagpupunyagi ang Tsina upang komprehensibong mapasulong ang pag-unlad ng bansa at pag-ahon ng nasyon sa pamamagitan ng modernisasyong Tsino. Iginigiit aniya ng Tsina ang pagtahak sa landas ng mapayapang pag-unlad, at umaasang obdiyektibo at rasyonal na pakitunguhan ang pag-unlad ng Tsina.
Kasama ng panig Britaniko, nakahanda ang panig Tsino na isagawa ang pantay na diyalogo, palalimin ang pag-uunawaan at pagtitiwalaan, palakasin ang pag-uugnayan ng estratehiyang pangkaunlaran, palawakin ang kooperasyong Sino-Britaniko sa pinansya, berdeng ekonomiya, Artificial Intelligence (AI), at iba pang larangan, at palalimin ang pagpapalitang tao-sa-tao upang maging pangunahing bahagi ng relasyong Sino-Britaniko ang pagkakaroon ng mutuwal na kapakinabangan, dagdag pa niya.
Inihayag naman ni Starmer na ang pagpapaunlad ng mas mahigpit na kooperasyong Britaniko-Sino ay angkop sa pangmalayuang kapakanan ng dalawang bansa.
Sinabi niya na ang pagpapalakas ng kooperasyong Britaniko-Sino sa mga larangang gaya ng kabuhayan at kalakalan, pinansya, edukasyon, malinis na enerhiya, at medisina ay makakatulong sa kanilang sariling pag-unlad at magkasamang pagharap sa mga hamong pandaigdig na gaya ng pagbabago ng klima.
Nakahanda aniya ang panig Britaniko na panatilihin ang pakikipagsanggunian sa panig Tsino tungkol sa mga mahalagang isyung panrehiyon at pandaigdig para makapagbigay ng ambag sa pangangalaga sa kaligtasan at katatagang pandaigdig.
Hindi nagbabago ang paninindigan ng panig Britaniko sa pangmatagalang paggigiit ng prinsipyong isang-Tsina, diin pa niya.
Salin: Lito