Sa ilalim ng temang “World Fruit·China Market,” idinaos kamakailan sa lunsod Shanghai, dakong silangan ng Tsina, ang 2024 China International Fruit Expo (CIFE).
Kalahok dito ang halos 300 kompanya ng prutas mula sa mahigit 40 bansa’t rehiyon na kinabibilangan ng Pilipinas at Tsina.
Sa eksklusibong panayam ng China Media Group – Filipino Service (CMG-FS) kay Kurt Huang, General Manager ng Shanghai EverFlourish Events Co., Ltd., na siyang kompanyang tagapag-organisa ng CIFE, ibinahagi niyang nagtipun-tipon sa 2024 CIFE ang mga prodyuser, distribyutor, at taga-proseso ng prutas mula sa apat na sulok ng daigdig.
Dahil dito, nalikha ang bagong rekord sapul nang unang idaos ang perya noong 2021, dagdag pa niya.
Matagumpay aniyang pinagsama-sama ng CIFE ang de-kalidad na mapagkukunan ng prutas na gaya ng saging at pinya ng Pilipinas, durian ng Thailand, at iba pa, at mabisang napalakas ang koneksyon sa pagitan ng pinagmumulan at merkado.
Saad ni Huang, ipinagmalaki nilang sabihin na ang CIFE ay siya na ngayong pinakamalaki at pinakapropesyonal na eksibisyon ng prutas sa Chinese mainland.
Upang mabuo ang CIFE bilang isang enggrandeng pagtitipun-tipon ng mga personalidad ng industriya ng prutas mula sa buong mundo, at isang palatapormang kapaki-pakinabang para sa lahat, mahabang panahon ang ginugol ng mga tagapag-organisa sa paghahanda, gaya ng pagpili ng lunsod-pinagdarausan, paanyaya sa mga kalahok, at pag-po-promote ng kaganapan.
Sa eksklusibong panayam ng CMG-FS kay Sarah Shui, Project Director ng Shanghai EverFlourish Events Co., Ltd., ibinahagi niyang pinili nila ang Shanghai bilang pinagdarausan ng CIFE dahil sa mabuti nitong lokasyon, na estuwaryo ng Ilog Yangtze patungo sa dagat.
Sa tulong ng malawak na sistemang pantubig ng Ilog Yangtze, hindi lamang ipinagdurugtong ng lunsod ang malalaking puwerto ng Tsina na gaya ng puwerto ng Wuhan at Chongqing, ang ilog ay siya ring daanan ng mga prutas mula sa mahahalagang pinagkukunan ng bansa, tulad ng mga lalawigang Sichuan, Yunnan, at Guizhou, paliwanag ni Shui.
Kaya naman, matagumpay aniyang na-engganyo ng CIFE ang maraming personahe ng industriya ng prutas, mula sa taniman, hanggang sa lohistika, pagbebenta, adwana, at iba pa, na pumunta sa Shanghai mula sa iba’t-ibang lugar ng Tsina sa pamamagitan ng kombinyenteng sistemang pantransportasyon ng bansa.
Para sa mga Tsinong magsasaka at negosyante ng prutas, ito ay isang napakagandang okasyon para humanap ng kooperasyon sa loob at labas ng bansa, pataasin ang kita, at pasulungin ang produkto’t serbisyo sa mas maraming lugar.
Para sa mga dayuhang kalahok, sulit na sulit din ang kanilang matagal na biyahe patungong Tsina, dahil hindi na nila kailangang isa-isang bumisita sa mga taniman at merkado ng prutas sa iba’t-ibang lugar ng bansa, nakatagpo nila sa CIFE ang maraming personahe ng industriya ng prutas ng Tsina, hindi lamang mula sa mga baybayin at malalaking lunsod, kundi, iyon ding mula sa kalupaan, at ika-2 at ika-3 antas na lunsod.
Kasabay nito, ang pagpasok sa merkadong Tsino ng mga dayuhang tatak at iba pang mapagkukunan ng prutas ay nakakatulong sa pag-unlad at pagpapabuti ng mga domestikong tatak, sa pamamagitan ng malusog na kompetisyon.
Bukod diyan, nakikinabang ang mga konsyumer Tsino sa ganitong kompetisyon, dahil nagkakaroon sila ng mas maraming pagpipilian, at nakakatikim ng mas de-kalidad na prutas.
Sa ganitong pamamaraan, naipapatupad ng CIFE ang layuning ibayo pang pagpapasulong ng pag-unlad at reporma ng kadenang industriyal ng prutas sa daigdig, at mas natutugunan ang pangangailangan ng mga mamimiling Tsino.
Masaya nilang makita ang ganitong multi-win na resultang hatid ng CIFE sa lahat ng panig, saad niya.
Ulat/Video: Kulas
Pulido: Rhio/ Jade
Espesyal na Pasasalamat: Shanghai EverFlourish Events Co., Ltd., Goodfarmer, Dole China