Ayon sa datos ng Pangkalahatang Administrasyon ng Adwana ng Tsina, mahigit 7.5 milyong toneladang prutas na nagkakahalaga ng mahigit $US16 bilyon ang inangkat ng Tsina noong 2023.
Malaking bahagi rito ay tropikal na prutas mula sa Pilipinas, Thailand, Biyetnam, at iba pang bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Idinaos kamakailan ang 2024 Durian Conference sa lunsod Jiaxing, lalawigang Zhejiang, gawing silangan ng Tsina.
Bilang kinatawan ng co-organizer ng China International Fruit Expo, lumahok sa naturang komperensya si Kurt Huang, General Manager ng Shanghai EverFlourish Events Co., Ltd.
Sa eksklusibong panayam ng China Media Group – Filipino Service (CMG-FS) kay G. Huang, ibinahagi niyang ang Pilipinas ay isa sa mga unang bansang nagluwas ng prutas sa Tsina. Malaking bolyum ng mga saging at pinya ang pumapasok sa merkadong Tsino taun-taon.
Aniya, bagama’t nakakapagprodyus din ng saging ang ilang lugar sa dakong timog ng Tsina, ang saging ng Pilipinas ay mas de-kalidad dahil sa mabuti nitong tropikal na klima, kaya patuloy na ina-angkat ng Tsina ang napakaraming saging mula sa Pilipinas.
Bukod sa saging, madalas ding nakikita ang mga pinya ng Pilipinas sa mga tindahan sa Tsina. Dahil sa masarap na lasa, gustung-gusto ng mga mamimiling Tsino ang mga popular na tatak ng prutas na ito na gaya ng Dole at Goodfarmer, dagdag ni Huang.
Kasabay ng tuluy-tuloy na pagsulong ng mga kasunduang pangkooperasyong gaya ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) at China-ASEAN Free Trade Area (CAFTA), malaking bumababa ang gastusin sa kalakalan, at matatag na lumalago ang negosyo sa pagitan ng Tsina at ASEAN.
Ang dalawang panig ang pinakamalaking trade partner ng isa’t-isa nitong nakalipas na 4 na taong singkad.
Ani Huang, sa ilalim ng kasunduan ng malayang kalakalan ng Tsina at ASEAN, maraming uri ng prutas ang walang taripang nakakapasok sa merkadong Tsino, saad ni Huang. At dahil sa malapit na distansya, karaniwa’y naihahatid ang mga prutas sa loob ng isang linggo, kaya sariwa pa rin ang mga ito pagdating sa Tsina.
Dahil dito, ang Tsina ang pangunahing tagapag-angkat ng prutas ng Timog-silangang Asya.
Ang bukas na merkadong Tsino aniya ay hindi lamang nagdudulot ng aktuwal na benepisyo sa mga magsasakang Timog-silangang Asyano, ipinalalasap din nila sa mga mamamayang Tsino ang masasarap na tropikal na prutas.
Sa ilalim ng temang “World Fruit · China Market,” idaraos Agosto 28 hanggang 30, 2024 sa lunsod Shanghai, dakong silangan ng Tsina, ang 2024 China International Fruit Expo.
Magtitipun-tipon dito ang mga kalahok mula sa higit 260 kompanya ng prutas ng Tsina, mga bansang ASEAN, at iba pang mahigit 30 bansa’t rehiyon.
Layon nitong pagsamahin ang de-kalidad na mapagkukunan ng prutas sa buong mundo, at ibayo pang pasulungin ang pag-unlad at reporma ng kadenang industriyal ng prutas sa daigdig.
Layon ng China International Fruit Expo na palakasin ang koneksyon sa pagitan ng pinagmumulan at merkado, tipunin ang mga personahe ng industriya ng prutas at talakayin kung paano mas mapaparami ang magagandang barayti, mas mapapataas ang kalidad at mas matutugunan ang pangangailangan ng mga mamimiling Tsino, tungo sa mutuwal na kapakinabangan at win-win na resulta, paliwanag ni Huang.
Ulat/Video: Kulas
Patnugot sa teksto: Rhio/ Jade
Patnugot sa website: Kulas
Merkadong Tsino, nagkakaloob ng mahalagang pagkakataon para sa industriya ng durian ng Pilipinas
Pagkakataon sa trabaho at kita ng mga taga-Davao, pinapataas ng merkadong Tsino
Kalidad ng iniluluwas na durian ng Pilipinas sa Tsina, garantisado ng pinagmulan
Proseso ng quality control sa mga Davao durian bago iluwas sa Tsina