Inter-ahensiyang grupo, ipinadala ng Tsina sa Pakistan para pangasiwaan ang teroristikong pag-atake noong Oktubre 6

2024-10-12 10:50:38  CMG
Share with:


Inihayag, Oktubre 11, 2024 ng tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na makaraang maganap ang teroristikong pag-atake sa komboy na naglululan ng mga empleyadong Tsino ng Port Qasim Electric Power Company nitong Oktubre 6, ipinadala kaagad ng panig Tsino ang inter-ahensiyang grupo, sa Pakistan para pangkagipitang pangasiwaan ang mga kaukulang gawain.

 

Aniya, nakipagtagpo ang nasabing grupo sa mga namamahalang tauhan ng Ministring Panlabas, Ministri ng Interyor, at mga departamento ng militar, polisya, at intelihensya ng Pakistan.

 

Hiniling din aniya ng grupo sa panig Pakistani na bigyang-lunas ang mga nasugatan, lubusang siyasatin ang insidente, mahigpit na parusahan ang mga may kagagawan, at agarang isagawa ang mabibisang hakbangin para tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan, organo’t proyektong Tsino sa bansa.

 

Samantala, mariing kinondena ng panig Pakistani ang nasabing teroristikong pag-atake.


Sinabi ng tagapagsalitang Tsino, na komprehensibo ngayong isinasagawa ng Pakistan ang mga imbestigasyon at gawain matapos ang insidente, at pinag-iibayo ang mga hakbangin upang pangalagaan ang kapakanan ng panig Tsino sa Pakistan.

 

Salin: Vera

 

Puldio: Rhio