Sa kanyang pakikipagtagpo kahapon, Oktubre 22, 2024 sa Kazan, Rusya kay Pangulong Vladimir Putin ng bansang ito, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na kailangang patuloy na pasulungin ng dalawang bansa ang pag-uugnayan ng estratehiya ng pag-unlad para ipagkaloob ang malakas na puwersa para sa kani-kanilang pag-unlad ng kabuhayan.
Idiniin niya na dapat palalimin ng dalawang bansa ang komprehensibo at estratehikong pagkokoordinahan, pahigpitin ang pag-uugnayan at pagkokoordinahan sa ilalim ng mga multilateral na balangkas na gaya ng United Nations (UN) at Shanghai Cooperation Organization, matatag na pangalagaan ang sistemang pandaigdig na ang nukleo ay UN, at magkasamang pangalagaan ang pandaigdigang katarungan at pagkakapantay-pantay.
Mataas na tinasahan ni Xi ang mga gawain ng Rusya bilang tagapangulong bansa para sa kasalukuyang BRICS Summit.
Umaasa aniya siyang malalimang tatalakayin, kasama ng mga lider ng mga bansang BRICS, ang pag-unlad ng mekanismo ng BRICS, pasusulungin ang estratehikong pagkokoordinahan at aktuwal na kooperasyon ng mga bansang BRICS sa iba’t ibang larangan, at hahanapin ang mas maraming pagkakataon para sa mga umuunlad na bansa.
Ipinahayag naman ni Putin na umaasa ang panig Ruso na ibayo pang palalalimin ang kooperasyon sa Tsina.
Saad niya na kasama ng Tsina, nakahanda ang Rusya na patuloy na panatilihin ang pagpapalagayan sa mataas na antas at pag-uugnayan at pagkokoordinahan sa mga suliraning pandaigdig, at magkasamang pangalagaan ang pandaigdigang katarungan at pagkakapantay-pantay.
Dagdag pa ni Putin na nakahanda rin ang Rusya na pahigpitin ang kooperasyon sa Tsina para pasulungin ang paggamit ng mas maraming positibong bunga ng kooperasyon ng BRICS.
Tinalakay din nila ang mga mahahalagang isyung panrehiyon at pandaigdig.
Salin: Lito/Ernest
Pulido: Ramil