Kazan, Rusya — Sa kanyang pakikipagtagpo Oktubre 23, 2024 (lokal na oras), kay Pangulong Abdel-Fattah al-Sisi ng Ehipto sa sidelines ng Ika-16 na BRICS Summit, tinukoy ni Panguong Xi Jinping ng Tsina na buong tatag na sinusuportahan ng Tsina ang Ehipto sa pangangalaga sa soberanya, kaligtasan, at kapakanang pangkaunlaran ng bansa. Nakahanda aniya ang Tsina na maging matapat na kaibigan at malapit na katuwang sa Ehipto.
Dapat patuloy at matatag na katigan ng kapuwa panig ang isa’t-isa, patibayin ang pagtitiwalaang pulitikal, palalimin ang pragmatikong kooperasyon, palakasin ang pagpapalitang tao-sa-tao para mapasulong ang bilateral na relasyon tungo sa pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Tsina at Ehipto sa makabagong panahon, diin ni Xi.
Ipinahayag naman ni Sisi na nitong 10 taong nakalipas sapul nang maitatag ang komprehensibo’t estratehikong partnership ng Ehipto at Tsina, kapansin-pansing bunga ang natamo ng kooperasyon ng kapuwa bansa sa iba’t-ibang larangan.
Buong tatag aniyang iginigiit ng Ehipto ang prinsipyong isang-Tsina, at lubos na nauunawaan ang kahalagahan ng isyu ng Taiwan para sa Tsina.
Ipinaabot niya ang pasasalamat sa suporta ng Tsina sa pormal na pagsapi ng Ehipto sa mekanismong pangkooperasyon ng BRICS. Nakahanda aniya ang Ehipto na magsikap kasama ng Tsina upang kapit-bisig na mapangalagaan ang komong kapakanan ng mga umuunlad na bansa at Global South, at mapasulong ang pagtatatag ng mas makatarungan at makatuwirang pandaigdigang sistema ng pagsasaayos.
Nagpalitan din ng kuru-kuro ang dalawang lider tungkol sa kasalukuyang situwasyon sa Gitnang Silangan.
Salin: Lito