53 taon na ang nakararaan, pinagtibay ng Pangkalahatang Asemblea ng United Nations (UNGA) ang resolusyon bilang 2758 kung saan napanumbalik ang lehitimong luklukan ng Republika ng Bayan ng Tsina (PRC) sa UN.
Nitong ilang araw na nakalipas, kinakalat ng ilang tao sa daigdig ang pananalitang umano’y “di nalulutas ng resolusyong ito ang katayuan ng Taiwan,” at sumusuporta sa “makabuluhang paglahok ng Taiwan sa mga aktibidad ng UN.”
Kaugnay nito, ipinahayag Oktubre 25, 2024 ni Tagapagsalita Lin Jian ng Ministring Panlabas ng Tsina (MOFA), na noong Oktubre 25, 1971, pinagtibay ng Ika-26 na UNGA ang resolusyon bilang 2758, kung saan napanumbalik ang lahat ng karapatan ng PRC sa UN, kinilala na ang kinatawan ng pamahalaan ng PRC ay siyang tanging lehitimong kinatawan ng Tsina sa UN, at agarang pinaalis ang mga kinatawan ng Taiwan mula sa UN at lahat ng organo nito.
Sinabi ni Lin na lubusang nalutas ng resolusyong ito ang isyu ng representasyon ng buong Tsina na kinabibilangan ng Taiwan sa UN, at nilinaw nito na hindi umiiral ang “dalawang Tsina” at “isang Tsina, isang Taiwan.”
Bilang isang di-maihihiwalay na bahagi ng teritoryo ng Tsina, walang anumang batayan, katuwiran at karapatan ang Taiwan sa pagsapi sa UN at mga organisasyong pandaigdig, ani Lin.
Nagiging pagtalikod ng kasaysayan ang anumang kilos na nagtatangkang pabulaanan ang prinsipyong isang-Tsina at baluktutin ang kapangyarihan at kabisaan ng resolusyon bilang 2758 ng UNGA, diin pa ni Lin.
Salin: Lito
Pulido: Ramil