Relasyong Sino-Indones, pasusulungin

2024-11-10 18:09:24  CMG
Share with:


Sa pag-uusap, Nobyembre 9, 2024, sa Beijing, nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Prabowo Subianto ng Indonesya, sumang-ayon sila sa ibayo pang pagpapasulong ng relasyon ng dalawang bansa.

 

Sinabi ni Xi, na ang pagpili ni Prabowo sa Tsina bilang unang bansa para sa pagdalaw, makaraan niyang mahalal  at manungkulan bilang pangulo ng Indonesya ay nagpapakita ng kanyang pagpapahalaga sa relasyong Sino-Indones, at mataas na lebel at estratehikong katuturan ng relasyong ito.

 

Kasama ng bagong pamahalaan ng Indonesya, nais itatag ng panig Tsino ang komunidad ng pinagbabahaginang kinabukasan na may impluwensiya sa rehiyon at daigdig, at buksan ang bagong kabanata ng pagkakaisa, pagtutulungan, at mutuwal na benepisyo sa pagitan ng dalawang malaking umuunlad na bansa.

 

Nanawagan din siya na pasulungin ang kooperasyon sa limang pangunahing aspektong kinabibilangan ng pulitika, kabuhayan, pagpapalitang tao-sa-tao, suliraning pandagat, at seguridad; at sa loob ng balangkas ng Belt and Road Initiative, palakasin ang kooperasyon sa didyital na kabuhayan, modernong manupaktura, sirkular na kabuhayan, at iba pa.

 

Nakahanda aniya ang Tsina na isagawa sa Indonesya ang mas maraming proyektong pangkooperasyon sa mga aspekto ng pagbabawas ng karalitaan, paggawa ng medisina, pagtatanim ng mga pagkaing-butil, pangingisda, at iba pa; at ipagkaloob sa Indonesya ang mga tulong sa pagsasanay sa mga mananaliksik at pagpapaunlad ng edukasyong bokasyonal.

 

Binigyang-diin din ni Xi, na bilang kapuwa malaking umuunlad na bansa, bagong-sibol na pamilihan, at pangunahing kasapi ng Global South, dapat magkasamang igiit ng Tsina at Indonesya ang Asyang nakasentro sa kapayapaan, kooperasyon, at pagiging inklusibo at integrado; itaguyod ang pagkakaisa at pag-unlad ng mga bansa ng Global South; pasulungin ang mas makatarungan at makatuwirang pandaigdigang pangangasiwa; pangalagaan ang pantay at maayos na multipolarisasyon at benepisyal at inklusibong globalisasyon; at panatilihin ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon.

 

Ipinahayag naman ni Prabowo ang pag-asang mapapalakas ang komprehensibo at estratehikong kooperasyon, mabubuo ang mas malakas na komprehensibo at estratehikong partnership, at matatayo ang komunidad ng pinagbabahaginang kinabukasan na may impluwensiya sa rehiyon at daigdig.

 

Sa ilalim ng Belt and Road, nakahanda aniya ang Indonesya, kasama ng Tsina, na palakasin ang komprehensibong kooperasyon sa lahat ng mga kadena ng industriya.

 

Dagdag ni Prabowo, sinusuportahan ng Indonesya ang paninindigan ng pamahalaang Tsino sa isyu ng Taiwan, iginigiit ang patakarang isang-Tsina, at kinakatigan ang lahat ng mga pagsisikap ng pamahalaang Tsino para ipagtanggol ang kabuuan ng teritoryo at isakatuparan ang reunipikasyon ng bansa.

 

Ipinahayag din niya ang suporta sa Global Development Initiative, Global Security Initiative, at Global Civilization Initiative ng Tsina, at aktibong paglahok ng Indonesya sa magkakasamang pagsisikap para pangalagaan ang komong kapakanan ng Global South, pagbuo sa multipolar na daigdig, at pagtatayo ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan.


Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan