Lima, Peru — Sa kanyang pakikipagtagpo Nobyembre 15, 2024 (lokal na oras) kay Pangulong Yoon Suk-yeol ng Timog Korea sa sidelines ng Ika-31 APEC Economic Leaders' Meeting, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na dapat magkasamang proteksyunan ng kapuwa panig ang pandaigdigang sistema ng malayang kalakalan, pangalagaan ang katatagan ng kadena ng industriya at pagsuplay ng rehiyon at buong daigdig, at isagawa ang mas maraming aktibidad na makakapagpasulong sa pagkakaibigan.
Nakahanda aniya ang panig Tsino na magsikap kasama ng panig Timog Koreano upang mapalawak ang multilateral na koordinasyon at kooperasyon.
Ipinahayag naman ni Yoon na ang Tsina ay mahalagang puwersang tagapagpasulong sa paglaki ng kabuhayang pandaigdig.
Hindi nagbabago aniya ang paggigiit ng Timog Korea sa prinsipyong isang-Tsina. Umaasa ang Timog Korea na makikilahok sa proseso ng modernisasyong Tsino, at ibayo pang mapapalalim ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng kapuwa bansa, dagdag niya.
Salin: Lito
Pulido: Ramil