Sa pagtatagpo, Nobyembre 16, 2024, lokal na oras, sa Lima, Peru, nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Joe Biden ng Amerika, tinukoy ng pangulong Tsino, na nitong apat na taong nakalipas, sa kabila ng kaligaligan sa relasyong Sino-Amerikano, nagkaroon ng mga mabisang diyalogo at kooperasyon ang dalawang bansa, at naisakatuparan sa kabuuan ang matatag na relasyon.
Dagdag niya, bilang pinakamahalagang bilateral na relasyon sa daigdig, ang matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano ay may kinalaman sa mga mamamayan ng kapuwa bansa at kinabukasan ng sangkatauhan.
Batay sa benepisyo ng mga mamamayang Tsino at Amerikano, at komong kapakanan ng komunidad ng daigdig, dapat gawin ng Tsina at Amerika ang matalinong pagpili, at patuloy na hanapin ang tumpak na paraan ng pakikitungo sa isa’t-isa, para maisakatuparan ang pangmatagalang mapayapang pakikipamuhayan ng dalawang bansa, ani Xi.
Kaugnay ng katatapos na halalan sa Amerika, sinabi niyang hindi nagbabago ang target ng Tsina sa katatagan, kalusugan, at sustenableng pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano, at hindi rin nagbabago ang paninindigan ng Tsina sa pangangalaga sa sariling soberanya, seguridad, at interes sa pag-unlad.
Kasama ng pamahalaang Amerikano, nais panatilihin ng panig Tsino ang diyalogo, palawakin ang kooperasyon, at kontrolin ang pagkakaiba, para maisakatuparan ang matatag na transisyon ng relasyong Sino-Amerikano, at makapagdulot ng benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang bansa.
Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan