Ginintuang 50 taon ng relasyong Sino-Brasilyano, inaasahan - sarbey ng CGTN

2024-11-21 11:13:27  CMG
Share with:

Kasabay ng bisitang pang-estado ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Brasil, magkasamang isinagawa ng China Global Television Network – China Media Group (CGTN-CMG), institusyong pang-media na pag-aari ng Tsina, at Brazilian Center for Studies in Economic and Social Law ang isang sarbey sa pamamagitan ng New Era International Communication Research Institute.

 

Ayon sa 1,106 na respondiyenteng mula sa Brasil, patuloy na bumubuti ang relasyong Sino-Brasilyano, at dahil sa malakas na koordinasyon ng dalawang bansa, mas napabuti ang kapakanan ng mga bansa ng “Pandaigdigang Timog” at pagtatatag ng mas makatuwiran at makatarungang kaayusang pandaigdig.

 

Sa palagay ng 91.5% respondiyente, ang Tsina ay isang matagumpay na bansa; samantalang 76.2% ang pumuri sa pagiging responsableng malaking bansa nito.

 

Sa kabilang dako, sinabi ng 97.6%, na malakas ang ekonomiya ng Tsina, at positibong pinahahalagahan ng 95.6% ang malaking ambag na ibinigay nito sa pagbangon ng kabuhayang pandaigdig.

 

Naniniwala ang 86.7%, na ang malaking merkado ng Tsina ay mahalagang pagkakataon ng pag-unlad para sa Brasil, at ipinalalagay ng 82.2%, na nakinabang ang Brasil mula sa kalakalan ng dalawang bansa.

 

Umaasa rin silang magkasamang magsisikap ang Tsina at Brasil para itatag ang susunod na “Ginintuang 50 Taon” ng relasyong Sino-Brasilyano.

 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio Frank