Thursday, 24  Apr

FM ng Tsina at Luxembourg, nagusap

2024-11-25 17:16:11  CMG
Share with:

Sa kanyang pakikipag-usap Nobyembre 25, 2024, sa Beijing, kay Xavier Bettel, Ikalawang Punong Ministro at Ministrong Panlabas ng Luxembourg, ipinahayag ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, na ang Luxembourg ay mahalagang katuwang na pangkooperasyon ng kanyang bansa.

 


Pinapurihan ni Wang ang Luxembourg sa proaktibo’t pragmatiko nitong patakaran sa Tsina.

 

Kasama ng Luxembourg, magsisikap aniya ang Tsina na patibayin ang pagtitiwalaang pulitikal, at pasulungin ang pagpapalitang tao-sa-tao tungo sa lalo pang pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa.

 

Sinabi rin ni Wang, na ang Tsina at Europa ay dapat maging magkatuwang sa halip ng magkalaban, at dapat igiit ng dalawang panig ang paggalang sa isa’t isa at pagtutulungan.

 

Umaasa aniya siyang magkasamang magsisikap ang Tsina at Luxembourg para pasulungin ang sustenable at malusog na relasyong Sino-Europeo.

 

Ipinahayag naman ni Bettel ang matatag na pananangan ng kanyang bansa sa patakarang isang-Tsina.

 

Umaasa rin siya sa higit pang kooperasyon sa Tsina.

 

Hinggil dito, sinabi niyang may kompiyansa ang Luxembourg sa malawak na hinaharap ng relasyon ng dalawang panig.

 

Nakahanda ang Luxembourg na maging pinto ng pagbubukas at kooperasyon sa pagitan ng Tsina at Europa, at umaasa si Bettel, na gaganapin ng Tsina ang mas malaking papel para sa kapayapaan at katatagan ng buong daigdig.

 

Samantala, nagpalitan din ng kuru-kuro ang dalawang opisyal hinggil sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapuwa nila pinahahalagahan.

 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio Frank