Isinapubliko kamakailan ng website ng Pamahalaang Tsino ang mga kuru-kuro hinggil sa reporma sa sistema ng pamumuhunan at pangingilak ng pondo ng daambakal, at pagpapabilis ng konstruksyon ng daambakal. Tinukoy nitong magpupunyagi ang pamahalaan para mas maraming pamumuhunan ang maakit nito na mas mataas sa plano ng pamumuhunan sa daambakal sa taong 2013. Anito pa, bubuksan din ang karapatan sa pagmamay-ari at pamamalakad ng intercity railway sa mga pamahalaang lokal at pribadong kompanya. Iniharap din nito ang mga kuru-kuro sa mga aspektong gaya ng pagpapasulong ng reporma sa sistema ng pamumuhunan at pangingilak ng pondo ng daambakal, pagpapabuti ng mekanismo sa presyo ng tansportasyon ng daambakal, pagtatatag ng sistema ng subsidiya sa transportasyon, at iba pa. Ipinahayag naman ng tagapag-analisa na muling nilinaw ng naturang dokumento ang direksyon ng pagpapabilis ng reporma sa daambakal ng Tsina.
Ipinalalagay ni Wang Jun, Mananaliksik ng China Center for International Economic Exchanges, na sa kalagayan ng mabagal na paglago ng kabuhayang Tsino, ang pagtatakda ng Konseho ng Estado ng naturang kuru-kuro ay naglalayong mapalawak ang pangangailangang panloob, at mapatatag ang paglaki ng kabuhayan, batay sa pamumuhunan sa imprastruktura na gaya ng daambakal.
Tinukoy rin ng nasabing kuru-kuro na sa hinaharap, komprehensibong bubuksan ng Tsina ang pamilihan ng konstruksyon ng daambakal, at isasagawa ang magkakaibang pamumuhunan at konstruksyon sa iba't ibang uri ng bagong-tatag na daambakal. Bubuksan din sa mga pamahalaang lokal at pribadong kompanya ang karapatan sa pagmamay-ari at pamamalakad ng intercity railway, daambakal sa loob ng kalunsuran at kanugnog na lugar, daambakal ng paggagalugad ng yaman, at regional railway, at himukin ang mga pribadong negosyo na mamuhunan sa konstruksyon ng daambakal. Kasabay nito, itatatag ang pondo ng pag-unlad ng daambakal, patuloy na mag-iisyu ng bond ng konstruksyon ng daambakal, at pasusulungin ang inobasyon sa uri at paraan ng pag-iisyu ng railway bond. Sa tingin ni Wang Jun, ito ang magiging direksyon ng pamumuhunan at reporma sa konstruksyon ng imprastruktura ng Tsina.