Isasagawa ngayong araw ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang dalaw-pang-estado sa Malaysia. Nang kapanayamin ng media ng Malaysia at Indonesia sa bisperas ng kanyang pagdalaw, sinabi ni Xi na buong pananabik na inaasahan niyang malalimang makikipagtalakayan sa lider ng Malaysia hinggil sa pagpapasulong ng komprehensibong kooperasyon, upang ilatag ang matatag na balangkas para sa pangmalayuan at malusog na pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa.
Nang mabanggit ang relasyong Sino-Malaysian, sinabi ni Xi na nitong nakalipas na ilang taon, malaki ang pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa, at pumasok ito sa komprehensibo, matatag at pragmatikong landas ng pag-unlad. Noong nagdaang 4 na taong singkad, ang Tsina ay nananatiling pinakamalaking trade partner ng Malaysia, at ang Malaysia naman ay pinakamalaking trade partner ng Tsina sa ASEAN sa loob ng nakalipas na 5 taon. Naisakatuparan ng kooperasyong Sino-Malaysian ang mutuwal na kapakinabangan at win-win results.
Dagdag pa ni Xi, nakahanda ang panig Tsino na makipagtulungan sa panig Malaysian, para likhain ang magandang kinabukasan. Nananalig aniya siyang sa ilalim ng magkasamang pagsisikap ng kapuwa panig, ang estratehikong kooperasyon ng dalawang bansa ay makakapaghatid ng mas maraming benepisyo sa kanilang mga mamamayan.
Salin: Vera